“Ano ka ba Teryo, nagdarasal ka na naman?” Ang bunghalit ni Teban sa kanyang
kaibigan nang madatnan niya itong nakaupo sa tabi ng bintana, nakapikit at may
inuusal.
“Aba’y tigilan mo na iyan, wala kang
mapapala sa puro dasal kung kulang
ka naman sa gawa!” ang patutsada pa ni
Teban kay Gorio na nakakunòt ang noo.
Madalas kong naririnig ito. Minsan ay may
nagtanong sa akin, “Sino ba ang Diyos?
Papaano ba ito masusumpungan? Nasaan nga ba siya?”
Narito
ang sarili kong paniniwala tungkol dito:
Ang
buhay ko ay isang milagro. Nakagisnan ko na lamang na buhay ako at may
katawang nagagamit. Mula pa noong pagkabata hanggang sa gulang kong ito, marami
ng mga bagay ang naganap nang dahil sa akin, isa na rito ang aking pamilya. Kung
hindi ako nilikha at lumitaw sa mundong ito, papaano sila magsisilitaw din?
Ang
lahat ng nakikita ko ay nagmumula sa akin. Kung wala ako, hindi ko makikita
ang mga bagay na nasa harapan ko. At para ko maintindihan at maunawaan ang mga
bagay na ito, kailangang halungkatin ko kung ano ang nasa kaisipan ko tungkol
dito. Hindi ko malalasahan kung hinog o bubot ang bayabas, kung wala akong
panlasa na matamis at mapaklà. Hindi ko masasabi na pandak o mataas ka, kung
wala akong paghahambing na nasa aking isipan. Lahat ng bagay, may buhay man o
walang buhay ay nagsisimula lahat sa kataga. Kung walang kataga, wala kang
mababanggit. Kung wala akong iniisip, o isipan tungkol dito wala akong
maipapahayag.
Hindi
basta sumulpot o sumingaw ang mga bagay, kasama pati tayo. May pinagmulan
ang lahat. Kapag may naganap, may dahilan at resulta ito. Sa ating buhay at mga
karanasan, hindi basta lumitaw ang relò o selpon na suot o hawak mo. May gumawa
nito. Ang ating katawan, naisin man natin o hindi, kusa itong bumubuhay. Lahat
ng mga organ na narito ay may
kanya-kanyang tungkulin para manatili tayong nabubuhay.
Isa
ding milagro, kung bakit nagagawa kong mag-isip. May kalayaan akong pumili
at piliin kung ano ang makakabuti para sa akin. Sino kaya ang nagpapadala sa akin ng mga naiisip ko?, Sapagkat kapag
ako ay nagsusulat o nagsasalita, kusang lumilitaw ang mga kataga, Saan kaya nanggagaling ang mga ito? At sino ang nagpapadala sa akin? Sino ang nagpapaisip sa akin na gumawa
ng mabuti sa aking kapwa, at sino
naman ang nagpapaisip sa akin na gumawa ng masama sa aking kapwa? Hindi ba
parehong nangagagaling ito mismo sa ating kaisipan? Kung ano ang ating
iniisip, ito ang ating gagawin. Nagpasiya na ako, doon ako lalagi sa mabubuting
gawa, at hindi masyadong matrapik dito.
May nabasa ako, at ito ang pahayag, “Ang
Diyos ay nasa lahat ng dakó, kahit saanman, kaninuman, at kailanman ay naroon
siya. Hindi ka iiwanan.” Ito ay tahasang totoo, sapagkat naranasan ko
at napatunayan ko.
Ilan
lamang ito sa mga nabasa ko:
Lukas 17:21
Ang Kaharian ng
Diyos ay nasa kaibuturan mo.
Juan 10:34
Kayo ay mga
Diyos.
1 Corinto
3:16
Ikaw
ay templo ng Diyos, at ang ispiritu ng Diyos ay naninirahan sa kaibuturan mo
At
ang tagubilin:
Mark 11:24
Anumang
mga bagay na ninanasâ mo, paniwalaan na ito ay natanggap mo na, at ito ay
magiging sa iyo.
No comments:
Post a Comment