at ang Banak
Nangyari ito sa ilog Talisay. May
dalawang maliliit na isdang talilong ang lumalangoy sa tubig nang masalubong
nila ang malaking isdang banak na kumindat sa kanila at nagtanong,
“Magandang
umaga sa inyo. Kamusta na mga iho ang tubig?”
Hindi pinansin ng dalawang talilong ang banak
at nagpatuloy sa kanilang paglangoy. Maya-maya pa ay nagtanong ang isang
talilong, “Ano ba ‘yong tinanong ng banak
na TUBIG? Ano ba ‘yon, alam mo ba ‘yon, kung ano ang TUBIG?
“Hindi ko rin alam ‘yon, kung ano ang ibig
sabihin ng TUBIG!”
Ang wala sa loob na sagot ng pangalawang talilong.
-Marami
sa atin ang katulad ng dalawang talilong na ito, bagamat 75 porsiyento ng ating
katawan ay TUBIG, hindi natin lubos na nalalaman ang kahalagahan nito.
at ang Kanduli
Isang malaking matandang kanduli ang
kanilang nakasalubong at nagmamadali ito sa paglangoy. Nagtanong ang isang
talilong, “Bakit po kayo humahangos at
tila may kinakatakutan kayo?”
Sumagot ang kanduli, “Patuloy ang pag-ulan at may darating na malaking pagbahà, at tiyak aanurin tayong lahat patungo sa dagat na kung
saan ay maraming iba’t-ibang malalaking isda na kakain sa atin. Kailangang sumalunga tayo doon sa bundok nang hindi
tayo matangay ng malalakas na agos.”
“Hus, ‘di
totoo ‘yan. Panatag na kami dito!” ang paismid na tugon ng isang talilong
at nagpatuloy sa paglangoy, pasayaw-sayaw na walang alalahanin.
-Mapapansin ito
sa mga maralita kung bakit nananatili sila sa pagdarahop. Bagamat marami ang
nagpapahayag na darating ang matinding kahirapan, sila ay laging panatag at
hindi nagsisikap sa pag-unlad, patuloy pa rin na umaasa na ang buhay ay tulad
pa rin ng dati. At “Bahala na.” ang laging bukam-bibig nila.
at angTilapia
Sa isang sapa, nadaanan nila ang nangnginain
na isdang tilapia, “Hoy tilapia, wala ka na bang kabusugan at pati dumi ng kalabaw ay
pinagtitiisan mo?” Magkasabay na humalakhak ang dalawang talilong.
“Mabuti
na ito kaysa diyan sa may tabyò na may mga nakalawit na pagkain mula sa pamingwit, ‘yon pala ay pain at mga patibong. ‘Yong kaibigan ko
na isdang biyà ay nahuli kanina lang.” Ang paliwanag ng tilapia.
Napaismid ang isang talilong, “Hus,
maniniwala ka ba sa kanya? Ayaw lamang ng tilapia na makahati tayo sa pagkain
niya, kaya tinatakot niya tayo. Ang mabuti pa ay puntahan natin ang tabyò at
nang malaman natin.” Ang susog na isang talilong.
Laking gulat nila nang makita na nakalawit
at humahalina ang pagkain na pain. Sa kapaguran ng paglangoy, kaagad na nag-unahan
ang dalawa na kainin ang patibong. Huli na nang mapansin nila na magkasabay
silang hinatak pataas at nahuli ng pamingwit.
-Karamihan sa
atin ay mahilig na manghinala at magduda kapag may magandang balita. Higit
nating pinapahalagahan ang ating sariling paniniwala kaysa mga reyalidad na
tumtutugmà sa praktikal na kaganapan.
No comments:
Post a Comment