Sa
araw-araw napakaraming mga bagay ang laging umaagaw ng
atensiyon sa atin. Nariyan ang mga prioridad, mga responsibilidad, mga
karelasyon, at ang mahalinang social media; tulad ng facebook, twitter, instagram, atbp.
Mga aktibidad ito na makakaya
nating kontrolin kung ating nanaisin lamang. Kung may kontrol tayo sa ating
panahon, madali na para sa atin na maging mapayapa at masaya sa ating mga
gawain. Narito ang ating ikakaligaya:
Ang mga bagay na nagpapaligaya
ay hindi pansamantala o panandalian, hindi nariyan at maya-maya pa ay dagliang
nawawala. Masaya ka ngayon dahil berdey mo at tumaggap ka ng regalong selpon.
Subalit kinabukasan, wala na ang kasayahan at malungkot ka na naman dahil may
nakita kang higit na magandang selpon kaysa ng nasa iyo.
Ang tunay na makapagpapaligaya
lamang sa iyo ay kung nagagawa mo nang puspusan ang mga bagay na nagpapasaya sa
iyo nang walang alinlangan, walang pumipigil, at walang katapusan. Hanggat
patuloy na nagsisikhay ka na makamit ang iyong mga personal na lunggati at
pagpapairal ng mga makabuluhang aktibidad para sa iyong personal na kapakanan,
ang kaligayahan ay mananatiling kaulayaw mo sa lahat ng sandali.
Kung
minsan, wala nang halaga para sa atin ang kumita nang higit pa o makinabang
nang husto sa ating mga gawain. Ang tunay na ninanasa lamang natin ay
satispaksiyon o matamasa ang sandaling ito, dito sa kinalalagyan natin, ngayon
na! Kahit ano pa ang mangyari.
Malakas ang aking pananalig,
kapag nais ng Maykapal na lumigaya ka, kusang darating ang mga bagay na
magpapaligaya sa iyo. …at sakalimang malungkot ka ngayon at nagdurusa, may
katiyakan na nakalimutan mong gampanan ang kaluwalhatiang nakatalaga para sa
iyo.
No comments:
Post a Comment