Ang inis, sandali lang ‘yan. Ang galit, lumilipas ‘yan.
Ang alitan, tampò lang ‘yan at makukuha sa karinyò. Subalit ang suklàm o
masidhing hinanakit, ito ay isang malubhang sakit. Isang karamdaman na
mistulang epidemya na lumalalà katulad ng kanser. Kung ito ay hindi kaagad
malulunasan, ang matinding pagkasuklam ay nauuwi sa hiwalayan.
Ang
tangi lamang na lunas na makakagamot para dito ay PAG-IBIG. Walang pormula,
preskripsiyon, kautusan na sinusunod ito. Hindi rin kailangan ang pera, mga
regalo, piging o kasayahan. Ang pangunahing makakalunas lamang para dito ay
baguhin ang ating saloobin at kusa itong babalik sa magandang relasyon.
Ang saloobin (attitude) ang sanhi kung
bakit nagkakaroon ng malikot at walang tigil na pagbabago sa damdamin ng
sinuman. Kung ang saloobin mo ay binubuhay ng mga inseguridad at paghihinalà,
natural lamang na pasimulan ito ng away. Hanggat nalilitò at nababalisà ang
damdamin, natural lamang na ang mga pananalita at mga pagkilos ay umayon
tungkol dito.
Talos natin
na ang disiplinadong kaisipan ay humahantong sa kaligayahan at ang walang
disiplinang kaisipan ay patungo sa kapighatian, at katibayan din na ang umiiral
na disiplina sa isipan ng sinuman ay siyang busilak at wagas na katauhan niya.
Dangan nga lamang, ay nalilimutan niya ito kaya hindi makapangyari na maging
patnubay.
Anuman ang iyong patuloy na
iniisip, ito ang iyong gagawin.
No comments:
Post a Comment