Ang kapangitan lamang ang nakakakita sa mga pangit; at
ang kagandahan lamang ang siya namang nakakakita sa maganda. Anumang mayroon ka
sa dalawang ito, ay siya mong gagampanan.
Hindi
kataka-taka kung bakit may mga tao na ugali at ritwal na para sa kanila ang
magsabog ng lason sa paligid. Sila ay mga sanay sa pagbigkas ng mga negatibong
pananalita, mga pasaring na sumusugat ng damdamin, mga sulsol at dikta na
sumisira ng pagsasama, mga paninirang puri, mga pagpuna at pamimintas, at
marami pang iba upang mapunta ka sa miserableng buhay.
Walang
sinuman ang makakagawa ng mga ito sa iyo, kung hindi mo papayagan. Dalawa
lamang ang namamagitan dito. Ang nangbibiktima at ang biktima. May nagsusulsol
at may nagpapasulsol. May nilalason at may nagpapalason. May gumagawa ng
katangahan, at may tanga na nasisiyahan. Anupat sa dalawang ito, may kasiyahang
nadarama sila, at kung bakit ang tsismis para sa kanila ay mahalaga.
Ang
buhay mo ay tanging para sa iyo lamang. Magpakilala bilang ikaw! Ito ang
malinaw at kinakailangang magawa mo at kailanman ay huwag talikdan at malimutan
ito – na ikaw ay kaisa-isa at walang katulad sa ibabaw ng mundo – at kailangang
maging ikaw sa lahat ng bagay, …at hindi isang kopya ng iba.
No comments:
Post a Comment