Wednesday, March 12, 2014

Tumawa sa Tuwina



Hindi ko magawang magtiwala doon sa mga tao na 
hindi marunong tumawa.

Ang pagtawa ay siyang tuwirang landas sa kaluluwa. Ito lamang ang panlunas sa kapanglawan. Pinalalawak nito ang iyong pananaw, pinanatili ang iyong kalusugan, at may kasiglahang harapin nang madali ang mga gawain
Walang bagay dito sa mundo na hindi mo magagawang supilin at madaling makahawa kundi ang pagtawa at mga katatawanan. Hangga’t tinatawanan mo ang iyong mga problema, walang balakid na maaaring humadlang sa iyo.
   Hindi masasabing balintuna o kapanglawan ang matamang paglilimi, pag-iisa o walang abilidad na makisalamuha sa iba, na nakakahiya at sadyang makasarili—ang mga ito ay hindi naman masama, bagkus nakakatulong pa na mapag-aralan ang sarili, maging palabasa ng mga literatura, payabungin ang isipan, magsulat para maibahagi sa iba, at tawanan ang mga usisa at pakikialam ng iba.
   Mayroong manipis na tabing na siyang naghihiwalay sa pagtawa at pighati, sa komedya at trahedya, sa katatawanan at kasakitan: ito ay nababatay sa iyong saloobin. Mula sa pagngiti hanggang sa pagtawa nababago ang iyong atensiyon at nakadarama ng sigla upang magkaroon ng pag-asa.

Ang Apat na mga Sangkap sa Paglalakbay tungo sa Kaligayahan
Apat na mga bagay na matalino kong inaalam:
      Katamaran, Dalamhati, Kaibigan, at Kaaway
Apat ng mga bagay na kailangang palagi kong dala-dala:
      Pagmamahal, Pangmasid, Kamalayan, at Pag-aalinlangan
Apat na mga bagay na kailanman ay aking iiwasan:
      Panaghili, Kapanatagan, Kapalaluan, at Pananakit
Apat na mga bagay na kailangang mayroon AKO:
      Pag-asa, Pang-unawa, Pag-ibig, at Pagtawa


   Kung nais mong masisid ang kalaliman ng kaluluwa ng isang tao at lubusang makilala ang kanyang pagkatao, huwag pag-aksayahang alamin ang kanyang mga asal sa pagiging tahimik, pananalita, pagluha, o kung gaano katayog ang kanyang mga dakilang hangarin; makakakuha ka o masusumpungan mo lamang ang mainam na resulta kapag napagmasdan mo siyang tumawa. Kung nagagawa niyang tumawa nang walang alinlangan, isa siyang mabuting tao.
   Sa harap ng mga pagsubok at mga pakikibaka sa buhay, mayroon tayong epektibo at tanging sandata, at ito ay ang pagtawa. Himig nga ni Ka Freddie, "Tawanan natin ang ating mga problema."

No comments:

Post a Comment