Ang pagpapatawad ay pinalalakas ang pananalig
at
pagtitiwala mo sa iyong sarili.
Hindi
nakakamatay ang tuklaw ng ahas, kundi ang kamandag nito na unti-unting
lumalason sa iyo. Ganito din ang matinding pagkagalit o pagkasuklam, hangga’t pinaiiral mo ito sa iyong kamalayan, lalo mong sinisilaban ang poot na
naghahari sa iyo. At sa kalaunan ito ang magpapahamak sa iyo na labis mong
pagsisisihan nang walang katapusan.
Subukang
magpatawad sa pamamagitan ng pang-unawa; at ito ay iyong mararamdaman kung
ikaw ang nasa kalagayan ng iyong kinagagalitan. Sinumang nakapanakit sa
iyo—tanungin sila “Ano ba ang
nagpapasakit sa iyo at ibayong nagagalit ka?” Pakinggan ang kasagutan at
subukang unawain kung ano ang nasa likod ng lahat at siyang tamang katuwiran. Maaaring
nagnanasa silang makuha ang iyong atensiyon na mapakinggan sila, subalit walang
nag-iisip para sa kanila bilang mga umaatake at nasa tamang katuwiran, kundi mga
nagtatanggol at inaapi. Marapat lamang na huwag hatulan ang kanilang mga
inaasal, kundi bigyan sila ng kalayaan na maipaliwanag ang kanilang mga
karaingan. Maaaring pareho kayo na lalong matuto mula sa paraang ito, bilang pang-unawa at
katapangan na hilingin sa kanila ang katotohanan. Sakalimang wala pa ring
ipinagbago mula dito, pawalan at hayaan na ito. Palayain mo ang iyong sarili, at hayaan ang panahon ang siyang
magpasiya. Tandaan na pareho kayong may karapatan kung sinuman ang piliin
ninyo na may katuwiran. Kapag tayo ay humahatol, hindi natin maiiwasang magpasiya kahit na
limitado ang ating kaisipan at walang katiyakan sa resulta nito. Higit na
mabuti ang umunawa muna nang maunawaan ka, o simpleng magpatawad at hayaan na
itong kusang palipasin ng panahon.
Bawa’t
tao ay may kakayahang makasugat o makapanakit sa damdamin ng kanyang kapwa,
ngunit mayroon din siyang kakayahan na magpatawad at pakawalan na ang hapdi
nito. Ang tao na may pagkasuklam at arogante ay may isang libong kadahilanan na
huwag magpatawad o makadama ng simpatiya para sa iba. Subalit ang tao na mapagkumbaba
at may pagmamalasakit ay walang katuwiran kundi ang magpatawad doon sa mga
nagkasala sa kanya. Ito ang kalikasan ng mapagmahal na tao; ang saksihan at
madama ang kaligayahan at maging ang kapighatian ng iba na katulad din ng
nararanasan niya.
Bakit mo
hahayaang mangibabaw ang poot sa iyong kalooban, para lalo kang masaktan? Pawalan ang
katotohanan, pawalan ang bumabalisa sa iyo… Para makawala sa kapighatian,
burahin ang pagkasuklam …at magpatawad
No comments:
Post a Comment