Wednesday, March 12, 2014

Maniwala Muna



Kailangan mo na paniwalaan muna ang iyong sarili bago ka paniwalaan ng sinuman.

Paniwalaan ang sarili! Panaligan at pagkatiwalaan ang iyong mga katangian at mga kakayahan. Kung hindi mo ito magagawa, sino ang maniniwala sa iyo? Sa halip, iiwasan ka kapag nakita nila na wala kang pananalig mismo sa iyong sarili. Kung wala kang pagpapakumbaba at sa halip ay mapagmataas at makasarili, kailanman ay hindi ka magtatagumpay at liligaya..
   Huwag hayaan ang pagkatakot at ligalig ay mahadlangan ka na sumubok ng mga bagong bagay. Pagkatiwalaan ang iyong sarili. Gawin ang anumang bagay para sa iyong kapakanan at kaunlaran. Bawa’t bagay na dumarating sa atin ay ganap na magiging atin kung may kapasidad tayo na tanggapin ito.
   Italaga ang iyong isipan na inaasam ang tagumpay. Hangga’t naniniwala ka sa iyong sarili, walang imposibleng bagay na hindi mo makakamtan. Ang iyong tagumpay ay pangunahing nakabatay sa kung ano ang iniisip mo sa iyong sarili at kung pinaniniwalaan mo ang mga ito para sa iyong sarili. Ang kailangan lamang ay sanayin at paghusayin ang iyong sarili na maging mahusay at kapaki-pakinabang sa abot ng iyong makakaya.
   Alam mo ba? Lahat ay magsisimula muna sa iyong paniniwala. Ito ang pundasyon at kalakasan na siyang magpapakilos sa iyo. Imposibleng magawa mo ang isang bagay nang wala kang paniniwala para dito at matatapos mo. Magkaiba ang kahulugan ng "Makita ko muna bago ko paniwalaan." (mga bagay na nakikita at nahahawakan) tulad ng kasuotan, gusali, bukid, atbp. kaysa "Naniniwala ako bago ko makita." (mga bagay na hindi nakikita subalit naiisip at nadarama) tulad ng pag-ibig, pananalig, pagmamalasakit, atbp.
   Hindi mo magagawang makinig sa sulsol at sundin ang iba kung may paniniwala (pananalig at pagtitiwala) ka sa iyong sarili. Sabihin sa iyong sarili na ikaw ay magtatagumpay anuman ang iyong ginagawa sa sandaling ito. At paniwalaan na ang buhay ay mahalagang ipamuhay at ang iyong paniniwala ay tutulong upang likhain na matupad ito.

No comments:

Post a Comment