Wednesday, March 12, 2014

Pakawalan na!



Hindi ka makakawala hangga’t hindi mo inaalpasan 
ang bumabalisa sa iyo.

Limiin ang mga ito: Ariin. Hawakan. Pigilan. Supilin. Tatakan. Talian, Dominahan; lahat ng ito ay pawang pagkontrol sa ibang tao. Subalit pakawalan ang mga ito, at kusang lalapit ang mga positibong bagay, tulad ng pang-unawa, pagmamahal, at pagmamalasakit. Marami ang hindi nakakaunawa na kapag kinokontrol mo ang anumang bagay, ikaw din ay kinokontrol nito. Walang bagay na hindi mo mapapansin kung hindi ka naaakit dito. Walang sinumang tao na makapagmamaliit sa iyo kung wala kang permiso. Kung dadamputin mo ang dulo ng isang patpat, kasama mo ring madadampot ang kabilang dulo nito. 
   Ang mag-akala ay masama. Hanggang wala kang mapaghahawakang katibayan, ang humatol ay malaking kasalanan. Pakawalan ang mga bagabag nang hindi ka magkakabag. Ang pagpapakawala ng mga bagabag ay katulad ng ibaba ang mga mabigat na bagahe na patuloy mong pinapasan. Hindi ka makakalis sa iyong kinalalagyan kung patuloy na tinatanggap mo ang lasong unti-unting kumikitil sa iyo. Lalo na sa mga tao na nakasakit sa iyo, kailangan na alpasan mo ang poot at kalimutan ang anumang bagay o sinuman, na huwag itong kasuklaman, huwag itong sisihin o hamakin. Bawa’t bagay o bawa’t tao na kinamumuhian mo ay patuloy na lumalason sa iyo. Kung nais mong palayain na ang bagay o galit, at kung nais mong makalimot, hindi mo magagawa pa na mamuhi kung tahimik na ang iyong budhi.
   Kung magagawa nating hayaan, pawalan, at magtiwala sa mga bagay na kusa itong magaganap gaya ng inaasahan, nang walang anumang pagsupil o pagkontrol sa kalalabasan ng mga ito, ay magagawa nating tamasahin nang higit pa ang mga sandali. Ang kaligayahang mula sa kalayaang idinudulot nito ay higit na kasiya-siya kaysa nararanasan.
   Ang pagpapalaya sa ligalig na pumipinsala sa iyong katinuan ay hindi nangangahulugan na wala ka ng sadyang pagtingin kaninuman, bagkus napatunayan mo sa iyong sarili na ang tanging tao na may kontrol at kapangyarihang na mapagbago ka ay tanging ikaw lamang.
   Alam mo ba? …na may mga tao na hindi matanggap na makita ang anumang pagbabago o kaunlaran para sa iyo. Patuloy ka nilang nakikita kung sino ka noon at kung saan ka nanggaling. Ang nakikita lamang nila ay ang mga kamalian at mga kabiguang iyong nagawa. At kung hindi pa rin nila maunawaan at tinatanggihan na hindi ikaw ang iyong mga kamalian at mga kabiguan, palayain mo na sila sa iyong sirkulo ng mga kakilala. Kung hindi mo ito gagawin patuloy ka nilang babatakin pababa upang maging katulad din nila. Bagama’t naging bahagi sila ng iyong kasaysayan, hindi naman sila bahagi ng iyong kapalaran.
   Iwasan gawin ang mga bagay nang dahil lamang sa iniisip ito ng maraming tao na kailangan mong gawin. Sapagkat sa bandang huli, mapapansin mo na isang kopya ka pala at hindi magawang patugtugin ang sarili mong musika nang hindi ipapaalam ito sa iba. Ang pagluha ay upang pawalan ang mga ligalig at pighating nararanasan. Ang meditasyon ay upang pawalan ang mga kalituhan na naghahari sa iyong isipan at ituon ang iyong atensiyon sa mga bagay na nagpapalaya at nagpapasaya sa iyo. At ang dasal ay isang pasasalamat upang pawalan ang iyong makataong pagpapahalaga.
   Bigyan ang iyong sarili na ipahinga ang isipan, pawalan ang anumang bumabalisa sa iyo at mag-aliw. Magpalaya at hayaan ang panahon ang siyang humatol ng tama.

No comments:

Post a Comment