Wednesday, March 12, 2014

Gawing Ugali ang Magsulat



Mayroong malikhaing pagbabasa at malikhain ding pagsusulat.

Ang mga kataga ay malaya. Ang mga kataga ay kapangyarihan. Subalit ang isulat ito ay sukdulang makapangyarihan. Katulad ng bangko, mag-impok ka para may makuha sa panahon ng mga kagipitan. Ganito din ang pakikinig, pagbabasa, at pagsusulat ng mga makapangyarihang mensahe. Mga positibong kaganapan, pagbabago sa buhay at pakikisama sa mga matatagumpay na tao na nagtataas ng iyong mga kalidad at pag-asa na maging katulad ka din nila. At kung nagagawa mo ang mga ito, patunay na nag-iimpok ka sa iyong sarili tungo sa iyong pag-unlad ng isipan.
   Kung nais na may maiwang pamana upang hindi malimutan ang mga tagubilin, mangyari lamang na isulat ang mga ito—para makabuluhang mabasa. Kung may mahalagang bagay na mayroon sa iyo na nais mong maibahagi sa iba, marapat lamang na gawin na ito ngayon, bago mahuli pa ang lahat. Sino ang makakakilala sa iyo sa paglipas ng maraming panahon, maging sa mga mahal mo sa buhay, kung wala kang maiiwan na pamana, kahit na panulat lamang?
   Ang ibon ay hindi umaawit dahil mayroon siyang musika, umaawit siya sapagkat mayroon siyang awit na nais niyang maiparinig upang makilala siya. Sa tao, isinusulat natin ang laman ng ating isipan para pawalan ang bumabalisa sa atin. Marami ang nakakalimot hanggan sa huli na ang lahat, bago pa bigkasin at sulatin ang laman ng kanilang isipan. Ang mga nakakubling pagluha, ang mga katagang hindi mabigkas ay kailangang maisulat. Mapanganib at nakakasira sa kalusugan ang kimkimin ang mga bagay na lumalason sa isipan.
   Kung hindi mo makayang bigkasin, makakaya mo namang sulatin. Ang tangi lamang na papel ng magsusulat ay huwag bigkasin ang anumang makakaya nating lahat na sabihin, kundi ang mga bagay na hindi natin magawang bigkasin. Isulat ang mga bagay na kailangang hindi malimutan.
  Pinakamasaklap na madama ng sinuman, dahil patuloy na bumabagabag ito sa kanya, ay ang kanyang nausyaming panulat. Hangga’t hindi niya naisusulat ang istorya ng kanyang buhay para mabasa ng kanyang mga iiwanan sa kanyang paglisan sa mundong ito--walang sinuman ang makaka-alaala sa kanya. Tungkulin ng bawa’t isa sa atin na kahit anuman ang narating natin sa buhay, kailangan malaman ito ng ating mga mahal sa buhay—upang tularan o hindi pamarisan.
  Ang mga dakilang Pilipino ay napakainam na pag-aralan ang kanilang mga buhay, Bawa’t mga inpormasyon na kanilang naisulat ay makabuluhang mabasa ng mga sumusunod nating henerasyon, dahil ang kanilang mga kataga ay bumubuhay sa ating pagka-bayani na sadyang likas sa ating puso. Ang maging makabayan. Ang mga pangungusap sa kanilang mga panulat ay tungkol sa pagiging tunay na Pilipino. 
   Ang mga kuwento at personal na istorya ay naghahatid ng mga inspirasyon at kawatasan para sa ikakaunlad ng diwa, ay kailangang isulat. Huwag payagan na ilipad ito ng hangin at tuluyang maglaho sa susunod pang mga henerasyon. Ano pa ang hinihintay mo, kumuha ng papel at bolpen at magsulat na!

No comments:

Post a Comment