Wednesday, March 12, 2014

Panatilihin ang Pagtuklas



Nais mong tuklasin kung sino ka? Magpakilala ka.

Kaysa mabalisa dahil wala kang kapangyarihan, pag-ukulan ng ibayong pansin kung papaano mo mapapahalagahan ang iyong sarili para magkaroon ka ng karapatan. Kaysa maligalig dahil hindi ka kilala, higit na mabuti na tuklasin mo na maging karapatdapat ka upang ikaw ay makilala.
   Huwag hanapin ang kasagutan saanman, bagkus tuklasin ang tamang kasagutan. Huwag nating ayusin na itama ang paninisi sa nakaraan. Higit na mabuti ang tanggapin natin ang ating responsibilidad para sa hinaharap. Ang pagbabago ay hindi darating kung tayo ay maghihintay na lamang mula sa ibang tao o sa ibang araw o sa ibang panahon. Ito ay magmumula sa kaibuturan ng ating mga puso. Huwag tuklasin ito sa labas at mapanis sa paghihintay.
   Nasa pagtuklas lamang: Ang matatagumpay na mandirigma ay nananalo muna sa kanilang mga sarili at pagkatapos ay nagtutungo sa digmaan, samantalang ang mga talunang mandirigma ay pumupunta muna sa digmaan bago tuklasin ang mga sarili para manalo. Sapagkat anumang ating tinutuklas ay ating matatagpuan; at anumang ating tinatakasan ay lalong umiiwas sa atin.
   Alam mo ba? ...na ang paghahangad ay siyang susi sa motibasyon. Subalit nababatay ito sa determinasyon at pagtatalaga nang walang hintong pagsisikhay upang tuparin ang iyong lunggati—isang pangako para magwagi, na kung saan ay nagwawagi ka sa paniwalang makakamtan mo ang tagumpay na iyong tinutuklas.
   Magkakaiba ang mga tao sa pagtuklas ng katotohanan at magkakaiba din ang mga kasanayan at kanilang mga kaparaanan. Ang katotohanan ay hindi para sa lahat ng tao, kundi para lamang doon sa nagnanasang tuklasin ito. Hayaan ang iyong sarili na yumabong sa paglalantad ng iyong mga kahinaan at mga pag-aalinlangan, dahil ito ang paraan upang ikaw ay may matutuhan. Mangyari lamang na huwag hangarin na maging dakila, kundi tuklasin ang katotohanan at parehong matatagpuan mo ang mga ito.
   Huwag manatiling panatag at nasisiyahan sa kalagayan. Iwasan ang palaging naghihintay at naniniyak bago kumilos, pinaparalisa ka nito para mawalan ng pag-asa upang magpatuloy pa.
   Ang tao ay kailangang matutuhan na hindi niya mauutusan ang mga bagay, kundi ang tuklasin at supilin ang kanyang sarili; hindi niya magagawang pilitin at pasunurin ang kaisipan ng iba, subalit magagawa niyang hubugin at pangibabawan ang kanyang diwa; patunay lamang na ang mga bagay ay naglilingkod lamang doon sa tagapalingkod ng katotohanan; ang mga tao na tintutuklas ang patnubay niya ay siyang tanging maestro ng kanyang sarili.

No comments:

Post a Comment