Wednesday, March 12, 2014

Magtiwala Muna



Magmahal sa lahat, magtiwala sa iilan, at huwag makapanakit 
kahit kaninuman.

Ang hindi makapagpasiya ay malubha pa kaysa maling kapasiyahan. Hindi ka yayabong o uunlad kung wala kang pagtitiwala sa iyong kakayahan. Hindi ko magagawang magtiwala sa mga tao na walang pagmamahal sa kanilang mga sarili, at may kakayahan pang bigkasin sa iyo na, “Minamahal kita.” May kawikaan tayo na, “Mag-ingat kapag may isang nakahubad na tao na nag-aalay sa iyo ng damit.”
   Ang panimula ng pag-ibig ay ang kamalayan na hayaan at pagkatiwalaan natin ang ating mga minamahal na maging likas kung sinuman sila, ang resolusyon ay hindi ang pilipitin sila na mahubog at gayahin kung ano ang ating imahe, istilo ng pamumuhay, at mga paniniwala. Sakali mang minamahal natin sila, ito ay hindi pagmamahal kung sinuman sila, kundi ang kanilang potensiyal lamang na makawangki natin sila, kung gayon hindi natin sila minamahal: ang katotohanan; minamahal lamang natin ang repleksiyon ng ating mga sarili na nakikita natin sa kanila.
   Walang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa susunod na mga sandali, dahil ang buhay ay walang katiyakan, ngunit patuloy tayong sumusulong, sapagkat nagtitiwala tayo. Sapagkat mayroon tayong pananalig. Ang totoo kahit ipikit natin ang ating mga mata, may kakaiba tayong nadarama. Kung minsan ay hindi mo papaniwalaan ang iyong nakikita, at kailangan mong paniwalaan ang iyong nadarama. At kung nais mong magkaroon ng mga tao na nagtitiwala sa iyo, kailangang madama mo na nagtitiwala ka din sa kanila—kahit na ikaw ay nasa dilim. Kahit na ikaw ay namimighati at walang masulingan.
   Ang pagkatiwalaan ay siyang pinakamatayog na papuri kaysa bilang minamahal. Sapagkat likas na sa atin ang magkamali; kung minsan nakakagawa tayo ng mga kapangahasan, mga bagay na mayroong masamang ibinubunga. Subalit hindi ito pamantayan na tayo ay sadyang masama, o hindi na maaari pang pagkatiwalaan matapos ito.
   Hindi ako nababalisa dahil nagsinungaling ka sa akin, ang bumabalisa sa akin ay magmula ngayon hindi ko na magagawa pang paniwalaan ka. Ang pagtitiwala ay katulad ng salamin, kapag ito ay nagkalamat ay hindi mo na maibabalik pa kaysa dati. Sa tuwinang makakaharap mo ang nakagawa ng kamalian, palagi mong makikita ang lamat nito. Magkagayon man, ang mainam na paraan upang matagpuan kung makakayang mong magtiwala pa ay ang magtiwala muna. At nababatay ito sa mapagkakatiwalaan, wala ng iba pa.

No comments:

Post a Comment