Wednesday, March 12, 2014

Makinig Muna



May malawak na pagkakaiba sa pagitan ng nakikinig 
at may nadidinig.

Kapag may mga tao na nagsasalita, makinig nang buo. Karamihan ng tao ay sadyang hindi nakikinig. Ito ang nakakalito, hindi sila nakikinig nang may intensiyong makaunawa, kundi sila ay nakikinig na may intensiyong sumagot kaagad at mangatwiran. Ang totoo, wala silang kakayahang magtimpi at hintayin na makatapos ka sa iyong ipinapaliwanag. Isang dahilan ito kung bakit walang namamagitan na mabuting relasyon sa ganitong uri ng komunikasyon.
   May dalawa tayong tainga at isang bibig, kaya nararapat lamang na higit tayong makinig kaysa ang magsalita. Kung magagawa natin ito, maibabahagi natin sa iba nang walang alinlangan ang ating mga istorya at karanasan. Dahil masusuklian ito ng simpatiya at pagdamay, at anumang kahihiyan ay hindi na makakapinsala pa.
   Ang pinakamahalaga sa lahat, at nakakatulong pa sa sinumang tao ay ang umunawa muna upang maunawaan ka ng iba. At ang mabisang paraan para maunawaan ang mga tao ay ang makinig muna sa kanilang mga ipinapahayag. Hindi mahirap na maunawaan ang isang tao, ang mahirap ay ang makinig nang walang mga kundisyong ipinapairal at mga kahatulan. Sapagkat bihira ang mga tao na nagtatanong kung ano ang kalagayan mo, at matapos kang kamustahin ay naghihintay na mapakinggan ang iyong kasagutan. Kung may karelasyon ka na katulad nito, isa siyang mabuting kaibigan.
   Kung minsan hindi ang kalakasan ang nakapangyayari, kundi ang pakikinig at pagka-mahinahon ang siyang nakapagbubukas sa matitibay na baluti at tanggulan. Ang pakikinig ay isang uri ng pagpapakumbaba, at siyang higit na nakakatulong. Nakabukas ito sa mga katanungan na kailangang masagot upang may matutuhan. At ito ang nagpapatalino sa atin.
   Kadalasan hindi natin napag-uukulan ng atensiyon ang kapangyarihan ng haplos, ng isang ngiti, ng isang magiliw na salita, at higit sa lahat, ng tahimik na pakikinig, ng isang matapat na papuri, o kahit na ng mumunting pagmamalasakit, lahat ng ito ay may potensiyal na mabago ang isang buhay.
Subukan munang taimtim na makinig sa punto ng pananaw ng iba, nang hindi iniisip ang sasabihin at nalilito sa isasagot. Para maunawaan ka, kailangang umunawa muna.

No comments:

Post a Comment