Ang koneksiyon ay ginagawa mula sa puso
hindi ng matabil na dila.
Isang napakagandang
bagay
ang magaganap kapag sinimulan nating magbigay ng atensiyon sa isa’t-isa. Nasa
ibayong partipasyon, pakikiisa, at pagmamalasakit binibigyan ng buhay ang ating mga relasyon sa pamamagitan ng komunikasyon. At ang mahalagang tumatali dito ay koneksiyon.
Sa komunikasyon, Higit na mainam ang tahimik at walang binabanggit,
dahil hindi ka ipapahamak ng mga katagang hindi mo binigkas. Sapagkat ang mga
pananalita na walang pakundangan, ang siyang dahilan ng mga hindi
pagkakaunawaan at mga alitan na humahantong sa mga hiwalayan. Tama lamang na
hindi ka sumang-ayon sa katuwiran o opinyon ng iba, subalit wala kang karapatan
na tanggihan at ipagkait ang opinyon ng iba. Hindi rin karapatan mo ang
akusahan ang sinuman, dahil lamang sa hindi malinaw na maipahayag ang kanyang
mga paniniwala, ay ayaw mo nang pakinggan ang kanyang mga paliwanag. Mga hangal at arogante lamang ang nagpupumilit na sila ang sentro sa bawa't pag-uusap at mga paliwanagan.
Kapag
mataas ang pagtitiwala ay matatag ang pagsasama, madali at klaro ang komunikasyon,
at epektibo ang koneksiyon. Hayaan ang iyong mga aksiyon ang siyang magsalita
at ipahayag ang iyong mga nadarama at mga intensiyon. Sapagkat kapag hindi mo
nabigkas ito sa una, lalong mahirap na bigkasin pa ito sa pangalawang pagkakataon.
Hindi mo kailanman malalaman kapag sa isang sandali ang ilang matapat na kataga
ay makakagawa ng malaking pagbabago sa buhay ng isang tao.
Kung
hindi maganda at walang mabuting kapupuntahan ang iyong bibigkasin,
mangyari lamang na huwag nang bigkasin pa ito, dahil sa taong maramdamin,
mistula itong asin na ipinapahid sa sariwang sugat.
Ang
mahabang pananalita ay iwasan, maging ang paggamit ng mga palabok at panghalina,
dahil ang kawatasan ay hindi maibabahagi. Alalahanin na ang mga relasyon ang
nagpapalakas at nagpapahina sa atin. Katulad ito ng hangin na nagpapalipad o nagbabagsak
sa atin, kung hindi ka maingat palaging napuputol ang koneksiyon mo sa ibang
tao. Ang relasyon ay koneksiyon, katulad ito ng hardin ng mga halaman na
patuloy mong inaaruga, dinidiligan, at pinayayabong. Maglaan
ng tamang panahon na arugain at pagtibayin ang mga koneksiyon sa iba na makapagpapaunlad
sa iyo.
Alam mo ba? …na makakaakit
ka ng maraming kaibigan sa loob ng dalawang buwan kapag naging interesado ka sa
ibang tao kaysa sa loob ng dalawang taon na pinipilit mo na maging interesado
sila sa iyo. At siyanga pala, naging panuntunan ko na ang makipag-usap nang
harapan at walang pagtatangi kahit kanino, kahit na siya ay basusero, abogado,
gobernador o presidente pa.
Ang pinakamahalagang sangkap sa komunikasyon
ay mapakinggan kung ano ang mga hindi binigkas. Sapagkat ang matalinong tao ay
nagsasalita dahil mayroon siyang bagay na sasabihin; ang mga hangal, dahil
...kailangan nilang magsalita ng anumang bagay. Ang paraan ng ating komunikasyon
sa iba at maging sa ating sarili ang siyang ultimong nagtatakda sa kalidad ng ating buhay.
No comments:
Post a Comment