Ang Kapalit Lamang ng Gawaing Masama ay ang Paggawa ng Mabuti
“Ano ka ba naman Lucia, napanis na naman ako sa paghihintay sa iyo. Darating ka nga, ngunit laging huli naman, at pati ako nadadamay sa iyo. Umalis na ang bus na sasakyan natin, at nagalit pati ang ating mga kasamahan sa kanilang pagkaka-antala.” Ang nanggi-gigil na sumbat ng naiinis na kasama.
“Pasensiya ka na, tinanghali kasi ako, may binili pa kasi ako, at masikip pa kasi ang trapiko.” Ang maraming kasi-siyuhan na kadahilanan nito maliban sa pag-amin ng kanyang kamalian at pagmamalabis sa madalas na pagpaparaya ng mga kasamahan. Pangkaraniwang tanawin ito sa paulit-ulit na ugali ng pagiging huli sa anumang bagay na kailangang nasa takdang oras na pinag-usapan.
Sa ganitong tagpo, isang ginang ang nanlulumo at madalas na karaingan niya ang laging nahuhuli sa pagpasa ng kanyang mga gawain at pagtupad sa takdang oras ng tipanan. “Kinamumuhian ko ang pagiging nahuhuli sa lahat ng bagay. Ito ang aking malaking problema sa aking buong buhay!” Ang palagi nitong inuusal at isinusumbong sa kanyang mga kaibigan.
Minsan ay hindi na nakapagpigil pa ang isang kaibigan at nanggagalaiti itong nagtanong, “Talaga bang nais mong mabago ang masama mong pag-uugaling ito?”
“Oo naman, lahat ay gagawin ko malunasan ko lamang ang baluktot na ugali kong ito!” ang tiyakan nitong pagsang-ayon sa kaibigan.
“Kung gayon, bayaran mo ako ng dalawampu’t limang piso sa bawa’t pangyayari na mahuhuli ka, payag ka ba? Ito naman ay kung totoong nais mong magbago.” Ang patakarang inimungkahi nito sa kaibigan.
Medyo nag-alinlangan at napasubo ang ginang, subalit nakasalang na ang kanyang pagkatao, at napilitang sumang-ayon ito, na mahinay na tumugon, “Mamumulubi ako niyan, mabuti pa gawin nating sampung piso ang kabayarang parusa.”
“Kailangan makasakit at mahapdi, upang matandaan. “ Ang babalang ipinagdiinan ng kaibigan, “Sige, gawin nating kasunduan ang sampung piso sa bawa’t kamalian mong mahuli. At ang lahat ng perang malilikom ay ilalagay natin sa isang alkansiya na iaabuloy natin sa kawanggawa.” Ang dagdag pa nitong paliwanag.
Sa unang linggo, ang nakaugaliang palaging nahuhuli ay pinilit ng ginang na huwag mangyari. Bawa’t gagawin niya ay kanyang pinaplano at inililista ang lahat ng oras na nakapaloob dito. Gayunman, nagbayad pa rin siya ng tatlumpong piso sa mga nagawang tatlong ulit na pagkahuli.
Ngunit sa sumunod na linggo, dalawang ulit lamang itong nangyari at dalawampung piso lamang ang naging parusa sa kanya. At sa sumunod ay sampung piso na lamang at sa nakaraang buong buwan ay walang naging kamalian ang ginang. Nagawa niyang planuhin sa gabi ang mga gagamitin sa kinabukasan, at maagang gumising para dito. Nagawa niyang palitan ng mga bagong pag-uugali ang mga dating nakasanayang niyang masasamang ugali, na matagal ding nagpahirap sa kanya. Natuklasan niyang ang makakapalit lamang pala sa masama ay ang paggawa ng mabuti. At natagpuan niya ang kalayaan na matagal na niyang hinahangad, ang makaalpas sa mapinsalang pag-uugali ng laging nahuhuli.
Kung ikaw ay tulad ng ginang na ito, at mayroong masamang pako na nakatusok sa iyong utak na sumisira sa matino mong pag-iisip, ang araw na ito ay mahalaga na bunutin ito sa pamamagitan ng pagbaon ng mabuting pako at magawang maialis ang mga kapinsalaang ito.
Aba’y magsimula nang hanapin ang mga bagong pako na ibabaon mo. Ito ang iyong magiging tanglaw upang hindi maligaw sa landas na iyong tatahakin mula ngayon, bukas, at magpakailanman.
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment