Ang Lahat ay Kumikilos nang Naaayon sa Kalikasan Nito
Sa Barangay Kupang, isang bagong pastor kasama ng matandang pastor na magreretiro na, ang namamasyal sa mabulaklak na hardin. Nag-aalinlangan at kinakabahan ito sa malaking responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat. Sa umagang ito, nais niyang malaman kung anong misyon ang nais ipagawa ng Diyos sa kanya at ito ang hinihingi niyang payo sa matandang pastor.
Sumilay ang isang matamis na ngiti sa matandang pastor at lumapit ito sa isang mabulaklak na halamang rosas. Pumigtal ito ng isang supang na bulaklak na hindi pa bumubukadkad, at sinabi ito sa bagong pastor kung magagawa niya itong maibukadkad nang walang masisirang talulot.
Napamaang ang bagong pastor at hindi nakahuma sa inuutos ng matandang pastor; pinilit niyang limiin kung anong nagbunsod sa matandang pastor at kinalaman ng pagsubok na ito, upang matiyak ang kagustuhan ng Diyos sa kanyang buhay at gagampanang tungkulin sa simbahan.
Bunsod ng malaking paggalang sa matandang pastor, sinimulan niyang ibukadkad ang supang na rosas, nanginginig na buong ingat niyang dinadahan-dahan ang pagbuklat dito . . . Mahaba ding sandali ang mabagal na lumipas nang mapagpasiyahan niyang imposibleng magawa ito, kahit na anupang mga kaparaanan ang kanyang gawin.
Nang mapansin ang bagong pastor na may pag-aalinlangan at kawalan ng kakayahan na maibukadkad ang supang na rosas nang hindi masisira ito, nagpaliwanag ang matandang pastor;
“Isa lamang itong maliit na supang na rosas, isa sa mga kababalaghan na dinesenyo ng Diyos, subalit wala tayong kakayahan na ibukadkad ang mga talulot nito sa pamamagitan ng ating lampang mga karaniwang kamay.
Ang lihim ng pagbukadkad ng rosas ay hindi natin batid kung papaano ito nagagawa. Ang Diyos lamang ang may pagsuyong magbukadkad nito, kapag ang ating mga kamay ay walang kakayahan at kapangyarihan para dito.
Kung sakaliman na hindi natin magawang ibukadkad ang supang na rosas, sa dinesenyong bulaklak na ito ng Diyos, papaano pa kaya tayo na isipin ang kawatasan na maibukadkad ang tungkol sa ating buhay?
Anong kakayahan o matinding kabatiran ang mayroon tayo upang magkaroon ng kawatasan na masupil ang mahiwagang kapangyarihan na ito at makatiyak sa mga mangyayari sa ating buong buhay? Walang sinuman ang nakakaalam nito kundi ang lumikha sa atin.
Masdan ang iyong mga nagbabagong mga kamay, humahabang buhok at mga kuko, at pati na ang iyong buong katawan; kusa itong nagbabago ng naaayon sa kanyang pagkakalikha. Pansinin ang iyong sugat na nakamit sa isang sakuna, kusa itong gumagaling kahit hindi mo napag-uukulan ng atensiyon. Lahat ng tungkol sa iyo ay nakatakda at kusang magaganap, gustuhin at iwasan mo man itong mangyari. Sapagkat isa kang nilikha na nakahandang gampanan ang anumang itinakda para sa iyo.
Kaya nga, ipinagkakatiwala natin sa Kanya para sa kanyang pagpapala ang bawa’t saglit ng ating buhay sa araw-araw. Buong lugod nating hinihiling ang Kanyang patnubay at kaluwalhatian sa bawa’t paghakbang sa ating dakilang misyon na ito.
Ang landas na ating tatahakin, ay ang makapangyarihang Ama lamang ang nakakabatid. Ipagkatiwala natin sa kanya na buksan, ibukadkad, at imulat ang bawa’t saglit sa ating buhay, kawangis ng Kanyang pagbukadkad sa rosas na bulaklak.
Pakatandaan lamang: Higit sa lahat, Siya lamang ang nakakaalam kung anong mahalaga at mabuti para sa atin.”
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment