Monday, August 01, 2011

Tamang Paraan

Kailangan Mabago ang mga Nakagawian

   Noong kasagsagan ng pagtotroso sa Bataan, naglipana ang malalaking lagarian ng troso na gumagawa ng mga tabla sa maraming pook sa lalawigan. Halos magkakatabi ang mga ito, at laging nangangailangan ng mga manggagawa. Isang araw, isang matipunong lalaki ang nagprisinta sa kapatas ng lagarian sa Barangay Sta.Rosa, sa bayan ng Pilar. Dahil baguhan, pinagsanay muna ito ng ilang araw sa pagpalakol sa mga troso. At pinangakuan na kung mabilis itong matututo, ay madaragdagan ang kanyang sinasahod.

   Matapos ang pagsasanay, ay binigyan siya ng isang palakol at dinala sa kagubatan na kung saan doon siya magsisimulang pumutol ng mga punongkahoy.

   Sa unang araw, sa hangaring mapalaki ang kanyang kikitain at mapuri ng kapatas, maghapon nitong pinag-ibayo ang pamumutol ng troso at nagawa niyang makapagbuwal ng 22 puno.

   “Aba’y ginulat mo ako ngayon!  Kabagu-bago mo pa lamang ay nakagawa ka na ng 22 troso,” ang paghangang binigkas ng kapatas. “Magpatuloy ka pa, at tataas ang sahod mo. Bawa’t troso ay mayroon pang karagdagang bayad.”

   Lalong ikinatuwa ito ng lalaki sa huling binanggit ng kapatas, at kinabukasan lalong nagsumikap pang madagdagan ang bilang ng kanyang napuputol na mga puno. Subalit sa buong maghapon, 18 troso lamang ang kanyang nagawa.

   “Bukas, maaga akong gigising at sisimulan ko kaagad ang pamumutol. Nang sa gayon ay makarami ako ng troso.” Ang pangakong usal nito upang mapalitan ang naging kakulangan na troso sa araw na ito. 

   Kinabukasan, lalong pinag-ibayo niya ang pamumutol sa maghapon, ngunit nakaputol lamang siya ng 13 puno. At sa sumunod na araw ang nagawa lamang niya ay 9 na troso. Bawa’t araw, pakaunti nang pakaunti ang kanyang napuputol, gayong higit niyang pinag-iibayo ang lakas at pamumutol para dito.

   “Palagay ko’y nawawala na ang dati kong lakas at humihina na ako. Hindi ito ang trabahong angkop para sa akin,” ang may pangangatwirang bulong nito sa sarili. Minabuti niyang pasyalan sa opisina ang kapatas, upang humingi ng paumanhin sa pagbabago ng kanyang kakayahan sa pagputol, at magpaalam na sa kanyang trabaho.

   Isinalaysay ang lahat ng kanyang mga ginawa at ipinaliwanag na halos ubusin niyang lahat ang kanyang lakas maparami lamang ang bilang ng napuputol niyang mga troso. Subalit wala ring ibinunga bagkus lalong pa itong nangaunti.

   May pag-aalinlangan na nagtanong ang kapatas, Kailan mo huling inihasa ang talim ng iyong palakol?”

   Biglang nagitla at napabulalas ang lalaki, “Hah? Kailangan bang maghasa? Wala akong panahon para dito, kasi ang buong iniisip ko lamang ay maparami ang bilang ng napuputol kong mga puno!”  Ang walang kagatul-gatol nitong pangangatwiran.

------
Bihira ang gumagawa ng ganitong kaparaanan. Madalas sa pagmamadali, nakakalimutan ang pinakamahalagang bagay at mga pangunahing prioridad sa buhay. Kung saan komportable, maginhawa,  at hindi mahirap gawin, doon nakapaling ang atensiyon. Laging pag-iwas ang paraan kapag nasasalang na sa mga mahihirap na gawain. Kapag nais may paraan, ngunit kung hindi ay may dahilan. Walang patutunguhan ang mga ganitong asal, kung ang hangarin ay mapaunlad ang kalagayan sa buhay.

   Marami ang mabilis na sumusuko at nawawalan ng pag-asa,  kapag napaharap na sa tunay na paghamon at pagkilatis sa kanilang mga kakayahan. Gayong higit na mahalaga ito kaysa sa mga inuuna na madadaling mga gawain. May nagwika, "Kung ako ay bibigyan ng walong oras sa pagputol ng mga puno. Uubusin ko ang unang apat na oras sa paghahasa ng aking palakol."

    Pakatandaan lamang: Kung hindi makaya ang ginagawa, gumawa ng paraan, at kung wala pa ring magandang resulta, humingi naman ng tulong. Huwag mabilis na umiwas o takasan man ito. Gawin ang makakayang lahat at huminto lamang kung hinihingi na ng pagkakataon. Ang nagwawagi ay hindi umaayaw, at ang umaayaw ay hindi nagwawagi. Walang nilaga sa walang tiyaga. Anumang kasangkapan o katangian ang mayroon ka, nagangailangan ito ng pagsasaayos, paghahanda, at kailangang paghahasa.

Iba na ang matalim kaysa mapurol.
  

No comments:

Post a Comment