Tuesday, August 02, 2011

Himagsikan

Ang Kirot ng Kalingkingan ay Hapdi sa Buong Katawan

   Sa isang silid, balisang natutulog ang lalaki, pabiling-biling at pabagu-bago ito nang pagkakahiga. Maya-maya’y mga hilik na lamang ang maririnig dito, ngunit nakabalatay pa rin sa kanyang mukha ang bagabag. Bagama’t mahimbing na ito, mapapansin magalaw ang mga talukap ng kanyang mga mata. Palatandaan na nananag-inip ito.

Ito ang kanyang salaysay: Sa kanyang panag-inip ang kanyang bunganga, mga kamay, mga paa, at utak ay nagkaisa at nagsimula nang mag-alsa laban sa kanyang tiyan.

   Ang mga hinaing at protesta ng mga nito ay walang pakikisama si Tiyan. Laging nagpapasarap sa pagkain, binubusog ang sarili, at walang ginagawa sa maghapon kundi ang matulog. Samantalang sila, na mga nagpakahirap at gumagawa ng lahat ay nakakaligtaan. Palagi na lamang si Tiyan ang nasisiyahan at binibigyan ng kaukulang atensiyon. 

   “Ang lakas ng apog mo, Tiyan!” ang bulalas na ngitngit ni Utak. “Kung hindi sa aking pamamaraan at pag-iisip, hindi ka magkakaroon ng pagkain. Sa kapaguran ko nga, lagi na tuloy akong napaghihilo.”
Pumiyak naman ang mga kamay, “Kung hindi namin kinuha, nilinis, iniluto, at inihain ang pagkain, walang lalamunin ang walanghiyang Tiyan na iyan, Pweh! Akala mo mas magaling pa siya kaysa atin na naghihirap na gumawa. Marami na nga akong mga peklat at mga gasgas sa aking mga palad sa paggawa. ”

   “At bakit, ako? . . Mga kasama, higit na mahalaga ang aking ginagampanang tungkulin,” ang hataw naman ng mga paa. “Kung hindi ko ihahakbang at papagurin na maglakad walang kayong makukuha kahit isang butil na bigas. Tignan ninyo ako, kinalyo at manhid na ang aking talampakan sa hirap.”

   “Hoy, nakalimutan ninyo ako! “ Ang bunghalit naman ni Bunganga na nanggagalaiti, “Kung hindi sa akin walang mapapala iyang si Tiyan! Dahil ako ang  ang nagpapakahirap na ngumunguya ng lahat ng mga pagkain. At ‘yang buwisit na si Tiyan ang nagpapasasa lamang sa mga pagkaing aking nanguya at dinurog. Hinihigop niya itong lahat upang magpasarap at magpakabundat. Tama ba ito? Ito ba ay pantay na pagtingin para sa atin?”

   “Maghapon tayong nagpapakahirap, nadudumihan, pinagpapawisan, napapagod, at walang hintong gumagawa. Napalaki  at napakahalaga ang ating mga ginagawang tungkulin, subalit pagmasdan natin si Tiyan, walang ginawa kundi ang kumain, magpakabusog, magpasarap, at matulog na lamang. ” Ang magkakasabay na mga reklamo at patutsada nina Utak, Kamay, Paa, at Bunganga sa walang imik na si Tiyan.

   “Mayroon akong naisip na paraan!” ang paismid na mungkahi ni Utak. “Maghimagsik tayo laban kay Tiyan. Huwag nating payagan na ang kanyang katamaran ay makaapekto sa atin! Huminto tayo sa paggawa! Tignan lang natin kung may magagawa pa siya.”

   “Magandang ideya ‘yan!” Ang pagsang-ayon ng lahat sa panukala ni Utak

   “Turuan nating ng matinding leksiyon ang baboy na si Tiyan. Dapat siyang tumulong at gumawa ding tulad natin. Ngayon maiintindihan niya ang kahalagahan natin!” Ang magkasabay na nagpuputok sa butseng singhal nila kay Kamay.

   At ito nga nangyari, huminto silang lahat sa paggawa at pagkilos. Huminto sila Kamay na dumampot, maglinis, magluto, at maghain. Sina Paa naman ay hindi na humakbang at namaluktot na lang sa isang tabi. Si Bunganga naman ay hindi na kumagat at ngumuya ng anumang pagkain. Samatalang si Utak, ang may pakana ng lahat, ay sumumpang hindi na mag-iisip kahit na anumang paraan.

   Sa simula, kumalam ang sikmura ni Tiyan, umatungal ito tulad ng nakakagawian kapag nagugutom. Hindi nagtagal, huminto na rin at tumahimik ito.

  At sa panag-inip ng lalaki, nagulat ito ng mapansin niyang hindi na siya makalakad. Hindi na rin niya magawa pang humawak o dumampot man ng kahit anong bagay. Hindi na rin niya maibuka ang kanyang bunganga. Pinilit niyang alamin kung bakit nangyayari ito sa kanya, ngunit ayaw ng gumana pa ang kanyang isip na matuklasan ito. At mabilis ang kanyang panghihina at nararamdaman niya na siya ay magkakasakit.

   Patuloy ang kanyang panag-inip, at sa maraming araw na lumipas, pasama ng pasama ang kanyang kalagayan. Mahinang-mahina na siya at hindi makagalaw. Sa una, kinakantiyawan nina Utak, Paa, Kamay, at Bunganga si Tiyan na wala itong magagawa kapag sila ay huminto sa paggawa. Subalit sa katagalan, sila man ay wala ng naging lakas kahit magsalita nang tuluy-tuloy man lamang. Mistula silang lahat ay may karamdaman.

   Sa wakas, mahinang tinig ang naulinigan ng lalaki mula sa kanyang mga Paa. “Maaaring namali kami, napansin naming sa aming pagtigil, ay tumigil din si Tiyan sa paggiling ng pagkain. Kapag wala kaming maidulot sa kanya, wala rin siyang magawang maibigay sa amin.”

   “Oo nga, iyan din ang aking iniisip,” ang pauntol-untol at nanghihinang tinig na sabat ni Utak. “Humihingi ako ng paumanhin, sa aking nagawang kalapastanganan mga kasama ko.”

   “Totoo iyan! Ako man tinatanggap kong namali tayo, kasi kapag wala akong nanguya at naipadala kay Tiyan, wala siyang magigiling at maipapadala sa ating kalakasan.” Ang pagsisising susog ni Bunganga.

   “Pasensiya na lamang, kaibigang Tiyan. Kung hindi pala kami kikilos, pati kami ay madadamay sa kamaliang kami ang may sanhi. Lahat pala tayo ay magkakatawing at dikit-dikit. Ang kapinsalaan pala ng isa ay kapinsalaan nating lahat.” At sabay na humaplos sila Kamay kay Tiyan.

   “Ngayong alam na natin na mahalaga ang bawa’t isa sa atin, magsimula na tayong magkaisa at kumilos para sa ating kapakanan.”  Ang paliwanang ni Utak. At sa puntong ito ay nagising ang lalaki.

   Sa kanyang kasabikan, sinumulan niyang ikilos ang mga kamay, ihakbang  ang mga paa, igalaw ang bunganga, at pakilusin ang utak. Nang mapansin niyang nabalik na itong muli  sa normal at walang naging kapinsalaan, napabunghalit ito ng matunog na halakhak.

   “Hayy, isa itong magandang leksiyon para sa akin,” ang kanyang nausal sa sarili habang kumakain ng kanyang agahan. “Kung hindi tayo magkakatulungan sa paggawa, walang mangyayari sa ating lahat. Tanging sa kapahamakan lamang ang ating kahahantungan.” Ang nakangiting pahayag nito habang hinahaplos ng kanyang mga kamay ang kanyang nabubusog na tiyan.

No comments:

Post a Comment