Sa aking pag-iisa at binubulay-bulay ko ang mga sitwasyong nalalagay ako sa alanganin, kinakapa ko sa aking mga karanasan kung bakit naganap ito at kung papaano ko ito nagawang maiwasan. Madalas, narito ang mga kawikaan na nagsilbing gabay upang hindi ako mapahamak.
1- Kilalanin na ang mga tao ay
siyang nasa dulo ng anumang pagsisikap, at hindi ginagamit bilang mga
kadahilanan para makamtan ang mga naisin mo.
2-Siya na malupit sa mga hayop ay
nagiging lapastangan at suwail sa kanyang pakikipag-ugnayan sa iba. Madaling
kilalanin ang puso ng tao sa kanyang ginagawang pagtrato sa mga hayop. Lalong
higit pa doon sa mga tao na mababa ang kalagayan sa buhay kaysa kanya.
3-Sa batas, ang isang tao ay
maysala kapag nilabag niya ang karapatan ng iba. Sa moralidad o etika, siya ay
nagkasala kung iniisip niyang gagawin niya ito. Manindigan nang naaayon sa
iyong prinsipyo ng aksiyon upang maingat ito na magawang batas para sa buong sangkatauhan.
4-Bawat bagay na nakapag-iirita sa
atin tungkol sa iba ay dinadala tayo na maunawaan natin ang ating mga sarili.
Anumang nakikita natin sa iba ay siyang repleksiyong nagaganap mula sa ating
mga isipan.
5-Ang kawalan ng pasasalamat ay
siyang panuntunan ng mga lapastangan, mga suwail at mga taksil. Sapagkat walang
puwang ang pasasalamat sa kanilang mga puso; dahil punong-puno ito na mga
kabuktután upang patuloy na makapaminsalà sa iba.
6-Ang agham ay orginasadong
kaalaman. Ang kawatasan ay organisadong buhay. Subalit ang pagkukumbaba ang maganda at mabuting pakikitungo sa kapwa.
7-Hanggat hindi mo nalalagpasan ang
ngitngit ng impiyerno sa iyong simbuyó, kailanman ay hindi ka magwawagi. Nasa
nag-uumalab na pagnanasà lamang tahasang nakakamit ang mga lunggati sa buhay.
8-Ang metapisika ay isang madilim
na karagatan na walang mga dalampasigan o parola, na kinalatan ng samutsaring mapangwasak
na mga pilosopiya. Manindigan lamang doon sa mga prinsipiyo na may pagkakaisa,
nakakatulong, at nakapag-papaunlad ng sambayanan.
9- Upang ganap na maging ikaw,
kailangan ang patuloy na pagkilos. Bagamat ang pagkilos ay tanda ng walang
katahimikan ng isipan, ang perpetwal na kapayapaan ay para doon lamang sa mga
nakahimlay sa sementeryo.
10-Ang moralidad ay
hindi sadyang doktrina kung papaano magagawa natin na maging masaya, kundi kung
papaano magagawa nating magpahalaga at lubusang maging maligaya.
11-Kung minsan,
iniiwasan ko ang masyadong kaalaman, para magkaroon ako ng puwang na maniwala. Sapagkat
walang imposibleng bagay sa tao na may paniniwala.
12-Hindi kagustuhan
ng Diyos na basta na lamang tayo maging masaya, kundi ang gawin nating maging
masaya sa tuwina. Nilikha tayo na kawangis Niya, nararapat lamang na tayo ay
maging mabuti, mapagmahal. at uliran; mga katangiang kusang umiiral sa ating
mga puso kung tayo ay nananatiling masaya.
No comments:
Post a Comment