Monday, August 01, 2011

10 Alituntuning Makatao

Sampung Mahahalagang Haligi Para Mabuksan ang Isipan

   Nabasa ko ito noon pa sa isang aklat bilang paningit lamang sa isang paksa at walang pangalan ng may-akda. Muli, paulit-ulit ko itong natutunghayan dito sa internet at binabanggit na praktikal itong batayan kung nais na maunawaan at mapaunlad ang sarili.

   May nagmungkahing ipaskel ko ito dito.

   Bakit nga ba hindi kung ito nama’y makakatulong na panggising sa marami nating kababayan. Kaya, minarapat kong ipaskel ito ngayon. Sa aking pagsasaliksik, mula ito sa panulat ni Cherie Carter-Scott sa kanyang 1998 na aklat ang ‘If Life Is A Game, These Are The Rules’ 

   Makabuluhang basahin kung interesado ka sa mga pag-uugali, mga relasyon, komunikasyon, at mga pagkatao. Mistula itong isang mapa para maunawaan at hangarin na matuklasan na mapaunlad ang sarili, at makatulong na makapagpaunlad din sa iba.

Ang tadhana ay ang magkakasunod na mga karanasan sa bawa’t kabanata ng iyong buhay, na kinakailangang ipamuhay upang maunawaan. Hangga’t iniiwasan mo ang mga ito, wala kang sapat na magiging kalasag o kaalaman upang ito ay mapagtagumpayan.

Tuntunin IsaTatanggap ka ng katawan. Anuman ang hugis, anyo, at itsura nito ay talagang nakaukol para sa iyo. Mahalin o kamuhian mo man ito; sa iyong buong buhay ay makakasama mo ito, marapat lamang na tanggapin ito ng maluwag sa iyong puso. Ang malaman ang katotohanan at kung ano ang nasa kaibuturan nito.

Tuntunin Dalawa: Pagkakalooban ka ng mga leksiyon. Ang iyong buhay ay patuloy na mga karanasang kailangan matutuhan, na sa bawa’t araw ay ipinagkakaloob sa iyo upang pag-aralan mo itong mabuti. Ang mga leksiyong ito ay tanging nagaganap para sa iyo; at ang matutuhan ito, ang iyong magiging susi upang tuklasin at tuparin ang tunay na kahulugan at kabuluhan ng iyong buhay.

Tuntunin Tatlo: Walang mga pagkakamali, mga leksiyon lamang. Ang kaunlaran ng iyong sarili tungo sa kawatasan ay isang proseso ng eksperimento, pagsubok at pagkakamali, kung kaya’t hindi maiiwasan ang mga bagay na manatili nang naaayon sa pinaplano o sa hinahangad na kalalabasan nito. Ang mahabag ay isang panglunas kaysa malupit na paghatol --- para sa ating mga sarili at maging sa iba. Ang pagpapatawad ay hindi lamang may kabanalan --- manapa’y isa itong pagkilos upang mabura ang emosyonal na mga pagkakautang. Ang umasal na marangal, may integridad, at may pagtawa sa mga bagay --- lalo na ang kakayahang tawanan ang sarili at mga kabiguan --- ay mga pangunahin sa pangkalahatang pagtuon sa ‘mga kamalian’at ituring ang mga ito na mga leksiyon na kailangan matutuhan.

Tuntunin Apat: Ang leksiyon ay paulit-ulit hanggang matutuhan. Ang mga leksiyon ay patuloy na pabalik-balik upang ito’y ganap na matutuhan. Hangga’t hindi mo naipapasa ang unang grado, hindi ka makakatuntong sa pangalawang grado. Ang mga balakid at hadlang na lumilitaw sa iyong landas, ang mga problema at mga paghamon, mga kapighatian at mga pagkalugami, ay mga karagdagang leksiyon --- sila ay patuloy na ipinapadala sa iyo nang paulit-ulit hanggang maunawaan mo at matutuhan ang mga ito. Ang iyong kamalayan at kakayahang magbago ang mga kailangang hakbang upang mapagtagumpayan ang tuntuning ito.  Napakahalaga ding tanggapin na ikaw ay hindi isang biktima ng kapalaran o pangyayari --- ang naganap ay kailangan maluwag na maunawaan; na ang ipinapakitang lahat na mga bagay ay sadyang nangyayari sa iyo, sapagkat ito’y ayon kung ano ang iyong kalagayan at kung ano ang iyong ginagawa. Ang sisihin ang sinuman o anumang bagay sa iyong mga kasawian ay isang pagtakas at pagkakaila; ikaw lamang ang responsable para sa iyong sarili, at anumang nangyayari sa iyo. Ang magpasensiya ay kailangan --- ang pagbabago ay hindi mangyayari sa isang magdamagan, kaya bigyan ng panahon ang pagbabago na maganap.

Tuntunin Lima: Ang pag-aaral ay walang katapusan. Hangga’t may buhay ka, patuloy na may mga leksiyonng nararapat na matutuhan. Sumuko sa ‘indayog ng buhay’, huwag makipagtagisan at labanan ito. Pagindapatin ang proseso ng walang hintong pag-aaral at pagbabago --- maging lubos na mapagkumbaba na tanggapin ang iyong mga kahinaan, at maging mapamaraan na makiayon mula sa iyong mga nakagawian, sapagkat ang katigasan ay ipagdadamot sa iyo ang kalayaan sa darating na bagong mga pagkakataon.

Tuntunin Anim: Ang ‘doon’ ay hindi mainam kaysa ‘dito.’ Sa kabila ng talampas ay may luntiang damuhan kaysa iyong kinatatayuan, subalit ang mapuntahan ito ay hindi susi sa walang hanggang kaligayahan. Magpasalamat at tamasahin ang anumang mayroon sa iyo, at saan ka man naroroon sa iyong paglalakbay. Pahalagahan ang kasaganaan nang anumang magaganda sa iyong buhay, kaysa sukatin ito at magkamal ng mga bagay na hindi naman tunay na nakapagdadala sa kaligayahan. Ang mabuhay sa kasalukuyan ay nakakatulong na makamtan ang kapayapaan.

Tuntunin Pito:  Ang iba ay mga salamin mo lamang. Minamahal at kinamumuhian mo ang mga bagay sa isang tao ng naayon kung anong uri at klase ng pagmamahal at pagkamuhi ng iyong pagturing sa iyong sarili. Maging mapagparaya; tanggapin ang iba ayon sa kung sino sila, hindi mula sa iyong nais at panukat na ginagamit, magsikhay para sa maliwanag na pagkagising sa sarili; magsikhay nang ganap na makaunawa at magkaroon ng tinutungo ang iyong kamalayan tungkol sa sarili, sa iyong mga emosyon at mga kaisipan. Ang mga negatibong karanasan ay mga pagkakataon na makakalunas sa mga sugat na iyong dinadala. Damayan ay tulungan ang iba, at sa pagmamalasakit na ito makakatulong ka sa iyong sarili. Kung sakaliman na hindi mo magawang makatulong sa iba, isa itong tanda na hindi sapat na naaaruga o napapaunlad mo ang iyong sarili.

Tuntunin Walo: Anumang ginagawa mo sa iyong buhay ay nasa iyo. Nasa iyo na ang lahat ng mga kasangkapan at mga mapagkukunang kailangan mo. Kung anuman ang nais mong gawin dito ay nasa iyong kapasiyahan ito. Maging responsable para sa iyong sarili. Pag-aralan na pakawalan at hayaan ang mga bagay na hindi mo magawang mabago. Huwag masuklam at kamuhian ang tungkol sa mga bagay na bumabagabag sa iyo --- ang mahapding mga alaala ay pinadudumi at pinalalabo lamang ang iyong kaisipan. Ang kagitingan ay mayroon tayong lahat sa ating kalooban --- gamitin ito kapag kailangang humakbang ng tama para sa iyong sarili. Lahat tayo ay pinagkalooban ng malakas na katutubong kapangyarihan at ispirito ng pakikipagsapalaran, na magagamit mo sa anumang pagkakataon na makakaharap sa tinatahak na landas.

Tuntunin Siyam: Ang mga kasagutan ay nakapaloob lamang sa iyong kaibuturan. Pagkatiwalaan ang iyong mga likas na katangian at mga niloloob sa kalaliman ng iyong puso, kahit naririnig mo ito na mula sa isang maliit na tinig o isang kislap ng imahinasyon. Pakinggan ang mga simbuyo ng damdamin pati na ang mga tunog nito. Tumingin, makinig, at magtiwala. Mula dito ay makasusumpong ka ng iyong likas na inspirasyon.

Tuntunin Sampo: Makakalimutan mo ang lahat ng ito sa iyong kapanganakan. Lahat tayo ay ipinapanganak na mayroong lahat ng mga katangiang ito --- ang ating mga unang mga karanasan ay inihahatid tayo sa pisikal na mundo, malayo sa ating ispirituwal na mga sarili, kaya tayo ay nagiging mapag-alinlangan, mapamuna, mapamintas, at kinakapos ng paniwawala at pagtitiwala. Sa katotohanan, tayo ay mga ispirito na nasa katawang tao at kinakailangang makipag-ugnay sa Dakilang Ispirito.
-------
Ang sampung alituntuning ito ay hindi mga kautusan, ito ay mga sandaigdigang mga katotohanan na angkop nating magamit para sa ating mga sarili. Kung ikaw ay sakalimang maligaw sa iyong dinadaanan, sumangguni lamang sa sampung ito. Magkaroon ng pananampalataya sa kalakasan ng iyong ispirito. Hangaring maging matalino --- ang kawatasan ay siya mong ultimong landas ng iyong buhay, at wala itong nalalaman na hangganan maliban sa iyong ipinaiiral ng balakid para sa iyong sarili.

Ito ay isa lamang maigsing balangkas at karaniwang hindi nakapaghahayag ng buod na nilalaman ng aklat, o maging ng kawatasan nito sa kabubuan. Marami sa mga ito ang may katulad sa mga nauna kong naipaskel dito. Manatili lamang sa pagsubaybay sa blog na ito at patuloy nating ibabahagi anumang mahahalagang kagalingan kawangis nito, para sa kaunlaran na ating kaisipan.
 
Ang kaalaman ay kailangang pinagbubuti, itinatama, at patuloy na dinadagdagan. Kung hindi, ito ay mawawalan ng katuturan.

 Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment