Thursday, August 04, 2011

Ano ang Kahulugan ng Tagumpay?


Lahat Tayo ay Patungo sa Kaganapan ng Ating Pagkatao

   Madalas kong naririning ang katanungang ito, subalit bihira ang nakakatugon ng tuwiran at karamihan ay pahapyaw lamang. Na tila isang pangkaraniwan itong bagay na tanging mga masisipag at matinding nagtitiyaga lamang ang tuwirang makakasagot. Iilan lamang ang nakakaalam na napakahalaga nito sa ating buhay, sapagkat dito nakasalalay ang ating magiging kapighatian at minimithing kaligayahan.

   Ang kabaligtaran ng Tagumpay ay Kabiguan. Kawangis ito ng Liwanag at Karimlan. Nagiging Kaligayahan o Kapighatian. Na humantong sa Buhay at Kamatayan.”

   Mamili ka: Panalo o Talunan? 

   Pakiramdaman mo:  Tagumpay na magpapaligaya sa iyo, o Kabiguan na magpapamighati sa iyo? At ito’y magaganap sa buong buhay mo.

Ano nga ba ang nagagawa ng tagumpay sa isang tao?

   Magkakaiba ang pananaw at kahulugan nito sa iba’t-ibang tao. Sa maraming matatagumpay at tanyag na mga tao; ito ay nakapaloob sa kanilang mga pangarap, adhikain, at mga lunggati na tumutugon sa pangunahing simbuyo: ang pagnanais na magkaroon ng kaganapan. Ito ay ang marating mo at magampanan ang iyong dakilang adhikain sa buhay. Ito ang dahilang kung bakit narito ka sa daigdig. Hangga’t hindi mo nararating ito, maraming bagabag at alalahanin ang iyong mararanasan. At madalas may kasama pa itong mga bangungot sa iyong mga panag-inip upang lubos na magising ka.

   Marami at kanya-kanyang pagkilatis o diskarte kung ano ang tunay na tagumpay para sa kanila. Kahit na ang mga iba’y nangangarap ng kayamanan, ang iba naman ay katanyagan, sa mga pagdamay o pagtulong sa kapwa, at mga iba sa kanilang paggawa ng kaibahan sa kanilang pamayanan, lahat sila ay nagkakaisa na ang pagkakaroon ng kaganapan ay siyang pinakamatayog na sukatan ng tagumpay. Iisa ang kanilang itinuturo, na ang kasiyahan ay siyang mahalagang susi upang maisakatuparan ang tunay na tagumpay.

   Mayroon naman na ang ‘tagumpay’ para sa kanila ay ang huwag makialam. Maging makasarili at pansinin lamang ang mga bagay na nauukol para sa kanilang sariling kapakinabangan. May iba naman na nagtagumpay at ginawa ng pag-uugali  o bisyo ang katamaran, huntahan, tsismisan, at kaisipang talangka. Huwaran sila upang huwag pamarisan ang kanilang ‘tagumpay’ sa kanilang kinahuhumalingan. Marami naman ang ‘tagumpay’ ay kapag nakakapinsala at gumagawa ng mga kabuktutan sa kanilang kapwa. Dito nila naipapakita ang kanilang mga katusuhan at pagkagahaman. Ngunit patungo lamang lahat ang mga ito sa kasawian at tiyak na kamatayan. 

   Maaari namang pumili, at piliin ang higit na makakabuti sa sarili, sa pamilya, at sa pamayanan. Ito ang buod at tinutungo ng tagumpay.

   Marami ang nagtatanong kung ano ang kaibahan ng tagumpay at kaganapan. Ang tagumpay ay nakakamit mula sa labas. Ito’y bunga ng mga gawaing isinagawa at natapos, napatunayan ang sariling kakayahan, at nagkamit ng papuri o kaukulang halaga. Samatalang ang kaganapan ay nagmumula naman sa iyong kalooban. Sa sariling-paggalang, sa sariling-pagtitiwala, at sa sariling pananalig sa iyong buong pagkatao. Walang makakagawa nito maliban sa iyo para sa iyong sarili. 

   Ang lipunan sa lahat ng dako ay makamundo, mayroong sinusunod na pamantayan , at may kaukulang paghatol. Ito ang nagpapahayag mula sa mga batayang ito kung ikaw at matagumpay o hindi. Kung sakaliman, na kinilala ka, pinuri at pinalakpakan, nangangahulugan lamang na ikaw ay nagtagumpay. Nakamit mo ang iyong mga lunggati at inaasahan mula sa iyo, o maaari namang nalagpasan mo pa ang karaniwang nagagawa ng ibang marami sa atin.

   Ang makatapos o malampasan mo ang mga paghamon o katungkulan na iniatang sa iyo ay siyang ginagamit na barometro ng daigdig upang masukat ang tagumpay: nakapagtala ng bagong antas, nagawang yumaman, nakatuklas ng mabisang panglunas sa karamdaman, nakaimbento ng bagong kagamitan, kauna-unahang gumawa ng pagbabago sa isang pamayanan, o maging isang tanyag sa piniling larangan. Ang maging mahusay  sa isang bagay, nanalo sa paligsahan o palaro, nakapasa sa pagsusulit, nakialaman at nagawang lunasan ang isang mabigat na pangyayari o pagtatalo, sumuong sa panganib at nakamit ang hangarin, at marami pang mga bagay na humahadlang o balakid na nalagpasan ay mabunying karapatan na mapabilang sa mga matagumpay na tao.

   Ang kaganapan naman ay isang bagay na lubhang kakaiba. Ito’y isang damdamin na nagmumula sa kaibuturan ng iyong puso at kaluluwa na naglalantad at nagpapakislap sa iyong pagkatao. Ito ang malalim na pakiramdam ng ganap na kasiyahan at katiwasayan, na iyong nararanasan matapos ang maghapong paggawa. Bago matulog sa gabi, batid ng iyong puso at sa kasigiran ng iyong mga buto na nagawa mo ang iyong katungkulan, o higit pang nalampasan mo ito tulad ng inaasahan mo sa iyong sarili.

   Kung ang iyong sariling pakiramdam ng katiwasayan sa sarili, at mga hangaring nakuha mula sa labas ay nakapagdulot ng kasiyahan; ang mga ito kapag nagkasama, ay nakamit mo na ang “tagumpay.” Kapag nawala ang isa sa dalawa, ay kawangis ng kandila na walang pansinding posporo. Bawa’t isa ay nangyayari na magkahiwalay at pamamaraan, subalit kapag ginamit nang magkasanib, ang resultang ningas ay lumilikha ng makapangyarihang liwanag.

   Kung nais na magtagumpay sa buhay at makamit ang minimithing kaligayahan, kailangan lamang; at ito ang pinakasusi, sundan ang landas na tinahak at mga yapak na naiwan ng mga matatagumpay na tao. Napatunayan na nila ang tagumpay, at sa pagtalunton sa iniwan nilang mga bakas matatagpuan mo ang iyong pangunahing katotohanan upang ikaw ay makapag-iwan din ng bakas sa buhanginan, na kung saan natagpuan mo ang tunay na kahulugan ng iyong personal na karanasan ng tagumpay.

   Nawa’y matuklasan mo ang iyong katotohanan na nakapaloob sa kahulugan ng iyong tagumpay. Sapagkat ito ang sandigan na kakailanganin mo sa pagtahak sa landas upang matagpuan mo ang iyong tunay na kaganapan.

   Nawa’y matutuhan mo ang mga leksiyon ng buhay na nagdudumilat sa iyong harapan at malagpasan ang lahat ng mga balakid at paghamong ipinupukol sa iyo ng tadhana.

   Nawa’y maging matagumpay ka sa lahat ng iyong mga gawain at magkaroon ng matiwasay, malalim, malinaw, at wagas na kaganapan at patuloy na kaligayahan

   Tamasahin ang iyong mabunying paglalakbay sa araw na ito!

Mga pagpapala,
Wagas Malaya, AKO, tunay na Pilipino
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment