Wednesday, September 14, 2011

Nakaugalian Na

Bigyan ng Ibayong Pansin ang Iyong Pag-uugali

   Ang ating mga pag-uugali ay maihahalintulad sa mga hibla ng sinulid. Kung patuloy itong papaluputin at pagsasamahin, nagiging isa itong matibay na lubid at sapat na, upang sa ginagawa mong pagpatiwakal ay mawakasan ang iyong buhay. Hangga’t inaaruga at pinagyayaman ang mga mali na ugaling kinasanayan mo, patuloy itong nagiging hayagang pagkatao mo. At ito ang magpapakilala . . . kung sino kang talaga.

   May isang natatanging kuwento tungkol sa mahiwagang bato. May kapangyarihan itong maibigay ang anumang iyong nais na hilingin at makamtan sa buhay. Isang mapalad na lalaki ang nabigyan ng pagkakataon na mapasakanya ito nang ipaalam sa kanya kung saang dalampasigan ito makukuha sa lalawigan ng Bataan. At ito’y matatagpuan sa nagkalat na mga bato sa dalampasigang ito. Ang kailangan lamang ay damputin mo ang mga bato at damahin—at kung ito’y nagbibigay ng init at hindi malamig na tulad ng iba, ito ang mahiwagang bato na hinahanap mo.

   Madilim pa isang umaga ng tag-araw,  ay gumayak na ito patungo sa malawak na baybayin sa bayan ng Morong. Pagdating dito, sinimulan na niya kaagad ang paghahanap. At sa tuwing may madadampot siyang bato at maramdamang malamig ito, ay mabilis niyang ipinupukol sa dagat. Tumagal nang tumagal ang tagpong ito; dadampot, dadamahin, at ipupukol. Maraming sandali, oras, at sumunod na mga araw, umabot ng mga linggo, at mahigit nang isang buwan ang inilagi niya sa Morong. Kaunting pahinga, kumakain, at ilang sandaling pagtulog lamang ang namamagitan sa paghahanap niya ng mahiwagang bato.

   Anupa’t maging ang kanyang kalusugan ay napabayaan na, sa masidhing paghahangad na mapasakanya ang mahiwagang bato. Sa kanyang pagtulog, nakagawian na niyang mangarap at magpaantok sa mga inaasahang kaginhawahan at kalayawang malalasap mula sa kapangyarihan ng mahiwagang bato.

   Hanggang isang araw, magtatakip-silim na nang may madampot siyang isang bato na nagpainit ng kanyang palad, na tunay na kakaiba kaysa malalamig na mga batong daan-daang libo na niyang nahawakan. Ang lalaki, na kung saan ang kaisipan at pakiramdam ay pinatigas na ng maraming pag-uulit ng pagdampot, pagdama, at pagpukol ay hindi na naunawaan ang malaking kaibahan, ay mabilis na ipinukol nang malayo sa dagat ang mahiwagang bato. Hindi man lamang napakurap o sumaglit sa kanyang isipan ang pagkakataong ito.

   Bagamna’t hindi niya nais itong mangyari, kung nakahanda man siya sa magaganap, ay naging manhid na at nakabaon sa kanyang isip ang nakasanayang ugali. At ang ugali kapag nakasanayan na ay napakahirap nang iwaksi. Ito at ito pa rin ang iyong patuloy na gagawin.

-------
Lahat ng ating nakaugalian ay nagsimula lamang sa pag-uulit, at sa nakasanayang routine sa araw-araw. Sa katotohanan, ang mga bagay na patuloy mong ginagawa at kinahuhumalingang gampanan ay isang paraan upang ito’y manatili sa iyong kaisipan at maging pag-uugali na. Tahasang pinalalakas mo, pinagtitibay mo, pinagyayaman mo, at sa huli ay nagiging pagkatao mo ang ugaling ito. Kahit na hindi mo iniisip, kusa na itong ginagawa mo.
  Nasa atin kapasiyahan kung anong uri ng pag-uugali ang ating nais makamtan. Kung ito’y tungkol sa ating kabutihan o kapahamakan. Dahil pagdating sa magiging ugali, kahit na ang paggawa nito ay hindi perpekto, kung paulit-ulit na ginagawa at nakasanayan na, ito’y magiging permanente sa ating pagkatao. Ang ugali ang magtatakda kung anong uri ng pagkatao ang sisibol sa iyo. Kaya higit na makakabuti na hangga’t maaga pa, piliin na ang mga ugali na nais mong makakatulong sa iyo, ay makatotohanang hinuhugis ang ninanasa mong marangal na pagkatao na nararapat para sa iyo.

   Aba’y simulan na  . . . ito’y para naman sa iyong kapakinabangan.

No comments:

Post a Comment