Monday, August 15, 2011

Matayog ang Lipad

Huwag Humalo at Makisama sa may Mababang Lipad

   Marami ang uri at klase ng tao; at sa panahong ilalagi mo dito sa mundo, marami din sa kanila ang magpapasaya, magpapalungkot, mangangaral, mag-uusisa, mamimintas, magmamalasakit, tumutulong, at magpapasakit ng iyong loob.

   May tatlong pangunahing uri ito: Ang mga mababang isip, ang pinag-uusapan ay ang kapwa tao na makakatulong sa paglaganap ng tsismis. Ang mga karaniwang isip, ang pinag-uusapan ay ang mga balita na makakatulong sa kanilang mga sarili. Ang mga matayog ang isip, ang pinag-uusapan ay ang mga ideya na makakatulong sa lipunan.

   Ang pinili ko ay ang huling uri, dahil sa daan nito ay iilan lamang ang tumatahak at kakaunti ang trapik

   Huwag mag-ubos at aksayahin ang iyong mga gintong panahon sa may mga mababang isip. Sapagkat kung may pana silang hawak ang tinutudla lamang nila’y ang mabababa. At kadalasan pa’y hindi tinatamaan, kaya bulati ang pinagtitiisan. Mga manok lamang ang mahihilig sa bulati. At kapag ikaw ay manok, sa tinola at pirituhin ka babagsak.

   Ayaw kong maging manok, ang nais ko’y Haribon, ang agilang likas at tunay na katutubong Pilipino. Laging malaya at nasa himpapawid. Matalino, matikas at magiting sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin. 

   Kung sakaliman na may mga tao sa iyong buhay na patuloy na nagdudulot ng kapighatian, pabigat at palaasa, nagpapasama ng iyong kalooban, hindi tumutupad sa pangako, winawasak ang iyong mga pangarap, nilalason ang iyong pag-asa, mapaghatol, matampuhin, may malaking kaibahan kaysa iyo at hindi maaasahan kapag ikaw ay nakatalikod . . .  aba’y gumising ka naman, at kumaripas ng takbo palayo sa ganitong mga uri ng tao. Dahil kung hindi mo ito gagawin, hindi ka lamang malulunod, bagkus isa ka na sa kanila at patungo sa inaasahang matinding kapahamakan.

   Marami ang uri: kakilala, kasama, kaklase, kasangga, kapanalig, katuwang, kakutsaba, kaniig, katambal, kulasisi, kaisa, kabiyak, kasintahan, at kung anu-ano pa . . , ngunit bihira ang pinakamahalaga sa lahat; ang KAIBIGAN. Dahil isa lamang ito sa sandaan, at mahirap matamo kung kinakapos ka at walang kaalaman sa pakikipagkaibigan.

   Ito ang taong iyong naiibigan. Binibigyan ng ibayong pansin at kapalagayang loob sa iyong buong buhay. 

   Kung nais mong magkaroon ng kaibigan, maging palakaibigan ka. Bahagi na sa mga kabanata ng ating buhay, ang pagdating at paglisan ng maraming tao sa ating pakikipagrelasyon. Ngunit, may naiiwan na iilan na nakapagbigay ng inspirasyon sa atin. At ito ang ating kinalulugdang higit pa kaninuman, ang mga taong sumasaling at nagpapaalab sa ating mga puso ng ibayong pagmamahal.

   Sa iyong paggulang at nagiging mga karanasan, ang iyong mga kaibigan ay nananatili o lumilisan ayon sa inaasahan, hindi inaasahan, at hindi maiiwasang pangyayari. Ang kapasiyahan ay nasa iyo lamang kung magpapatuloy ang isang relasyon o hindi. Subalit, nakakahigit ang palibutan mo ang iyong sarili ng mga uri ng taong kawangis ang iyong pagpapahalaga, mga lunggati, mga interes, at may matiwasay na pamumuhay.

   Hangga’t nabubuhay ka at patuloy na ginagampanan ang iyong dakilang adhikain, walang hinto ang pagdating ng marami pang uri ng tao na kumikilatis ng iyong kakayahan sa pakikipagkapwa. Kung ito’y magbubunga o hindi, ikaw ang magbabadya nito. Alalahanin lamang, sila’y mga isinugo sa iyo upang higit mong makilala ang iyong sarili. Sila ang nagpapatamis upang higit mong malasap ang kagandahan ng iyong buhay.

   Ang mga ibong magkakatulad ang balahibo ay nagsasama-sama. Kung ikaw ay nilikhang Haribon, huwag makihalo sa mga manok; ang mga manok ay hindi makalipad ng mataas, palaging sa lutuan lamang ang kanilang bagsak.

 Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment