Ang Pako ay Mahalagang Pukpukin Upang Umayos ang Buhay
Ang pako ay isang bagay na kapag nais ibaon ay kailangang pukpukin. At kung namali ang pagkakabaon ay kailangan din ang isa pang pako upang ito ay mapalabas at maialis. Ang magpapalinaw dito ay ang ginagamit na pako, kung mabuti o masama ito. Marami din ang ginagamit ito na kawangis ng pangako, at kung hindi matupad ay napapako. At kung napako, papaano ito maiaalis sa pagkakapako?
Ito ang tatalakayin natin; Kung laging martilyo ang iyong hawak, lahat ng makikita mo ay pawang mga pako. Nasa atin lamang ito magkakaroon ng pagkakaiba. Mayroong masamang pako at mabuting pako. Katulad ito ng ating mga ugali sa pako; dahil kapag ipinako natin ito sa ating kaisipan, nagiging mga paniniwala ito at siyang lilikha ng ating buhay na tatahakin. Kaya mayroong maling paniniwala at tamang paniniwala, at may tamang buhay at may maling buhay.
Sa maling paniniwala na patuloy na ginagawa; ay ipinapako ang sarili, mayroon itong mga bagabag at walang katiwasayang buhay. Masalimuot at laging nasa panganib na humahantong sa kapahamakan.
Sa tamang paniniwala na patuloy na ginagawa; ay ipinapako ang sarili, mayroon itong mga kasiyahan at may kapayapaang buhay. Matiwasay at laging masigla na humahantong sa buhay na batbat ng kaligayahan.
Sa tamang paniniwala na patuloy na ginagawa; ay ipinapako ang sarili, mayroon itong mga kasiyahan at may kapayapaang buhay. Matiwasay at laging masigla na humahantong sa buhay na batbat ng kaligayahan.
Sa may normal na pag-iisip, ay madali itong maunawaan, dangan nga lamang higit na marami ang nais tumahak doon sa mas madaling kaparaanan kaysa paghirapan pa ito. Bihira ang tumatalunton sa mga landasing masusukal, liku-liko, mabato, at madadawag. Nakakaaliw ang maganda at may kapatagang landas na may maraming nakakabighaning mga aliwan, na kadalasan ay nagwawakas lamang sa matinding kapighatian.
Kailangan ang isang pako upang maialis ang isang nakabaon na pako. Ang ugali ay pinapalitan ng kapwa ugali. Ngunit sa pagpapalit na ito; ang ugali ng kabutihan ang pumapalit sa ugali ng kasamaan. Ang luma ay pinapalitan ng bago. At ang masama ay tuluyang tinatalikdan, at binabago ng mabuti na siya namang itinataguyod nang lubusan. Mabuting pag-uugali kaysa masamang pag-uugali. Tamang paniniwala kaysa maling paniniwala. Nasa ang iyo ang kapasiyahan kung ano ang ipapako mo sa iyong kaisipan.
Anumang ugali, mabuti o masama man ito kapag patuloy na ipinapako o ibinabaon sa iyong utak, ay nagiging malakas at makapangyarihang kaisipan. Na siyang lumilika sa iyong pananaw, at gumagawa naman ng iyong tadhana sa araw-araw. Kung ang ugali ay nagiging makapangyarihan at tunay na mangingibabaw sa ating mga sarili, marapat lamang na patungo ito sa ating kabutihan at kapakinabangan, at hindi sa ating pagwasak o magpatuloy nang pagsa-salaula para dito. Yaong mga makabuluhan lamang at hindi ang mga walang katuturan ang ating mga ipapako o ibabaon para dito.
Sa madaling salita, yaong magaganda at mabubuting pako lamang ang ating ipang-aalis sa nakabaong mga walang katuturang mga pako. At siyang magpapabago at ating pananatilihin sa ating mga kaisipan.
Kapag mabuti ang nasa loob, likas ding mabuti ang iyong makukuha kung dumating ang pangangailangan para dito. Anumang masamang pako na nakabaon at pinahahapdi ang iyong pamumuhay, mangyaring bunutin kaagad ito sa pamamagitan ng pagbaon at pag-aalis nito ng bagong mabuting pako.
At tanging ikaw lamang ang makakagawa nito para sa iyo.
No comments:
Post a Comment