May isang batang lalaki
na nakapulot ng maliit na pagong sa tabi ng kanilang bahay. Subalit
gaano man ang kanyang pagyugyog dito, nananatili pa ring nakatago sa
kanyang lukuban ang ulo, mga paa, at buntot nito. Sinimulan niyang
pag-aralan kung papaano ito mapapalabas, ngunit matigas pa ito sa bakal
na nagkukubli. Pataob at patihaya naman ang kanyang sinubukang gawin, wala ring nangyari.
Nagsawa ang bata sa kaaalog sa
pagong. Mayamaya pa'y ginamit naman niya ang kanyang kimis na kamao sa
pagpukpok. Lalong nagtago sa loob ng kaniyang lukuban ang pagong.
Dumampot siya ng isang patpat at tinangka na sundutin para buksan ang
lukuban nito. Maya-maya'y sinimulan naman niyang bingkawin ito sa
pamamagitan ng patpat at sangkalang bato. Nakitang lahat ito ng kaniyang
tiyuhin at pababala na nagwika, "Huwag, hindi sa ganyang paraan. Masasaktan iyan!"
Dugtong pa nito, "Kapag paulit-ulit na sinundot mo, mamatay iyan. Hindi mo iyan mapapalabas sa pamamagitan ng patpat lamang."
Kinuha
ng tiyuhin ang pagong sa bata at dinala ito sa loob ng bahay. Sumunod
na may pagtataka ang bata sa mangyayari. Sa harap ng kalang may apoy,
maingat na inilapag ito sa gilid ng talaksan ng mga panggatong na malayo
sa apoy upang mainitan. Masuyo itong hinimas sa likod at ilang sandali
lamang mula sa pagkakadarang, ay lumabas na ang ulo nito. At sinundan pa
nang pag-iinat sa kanyang mga paa palabas. Unti-unting gumalaw ito at
nagsimulang lumakad. Natuwa ang bata.
"Ang mga pagong ay magkakatulad, gaya ng isang iyan." paala-ala ng tiyuhin,
Kailangan idaan mo ito sa haplos at init upang magtiwala sa iyo at lumabas ng kanyang tukluban."
Kailangan idaan mo ito sa haplos at init upang magtiwala sa iyo at lumabas ng kanyang tukluban."
Makabuluhang Aral: Gayon
din ang mga tao,kailangan ang pagsuyo na may kalakip na pang-unawa.
Kailangan lamang ng init o maalab na pakikiharap, upang makatiyak ng
tamang katugunan. Hindi mo sila mapipilit kung gagamitan mo ng dahas
para lamang sundin ka. Subalit kapag ang paglapit mo'y sinimulan na may
pagtatangi at kabaitan, makakatiyak ka, na gagawin nila nang mahinusay
ang mga nais mong ipagawa.
Pananaw: "Unahin mo munang umunawa, kung ang nais mo'y maunawaan ka." Tulad ng pamimitmit ng isda, yaong ibig ng isda ang ipain mo, hindi yaong nais mo upang ikaw ay makahuli.
Panambitan: Sa
pakikipag-kapwa, laging tandaan na bawat tao ay may ibat-ibang
pangangailangan at pagpapahalaga, subalit pangunahin sa lahat ang
kanilang damdamin. Kailangan ito'y hindi masasaling. Ito ang panuntunan
sa palagayang-loob ng tunay na Pilipino.
No comments:
Post a Comment