Friday, July 20, 2018

Kailangan Natin ang Damayan

  

Umani ng magagandang mais ang magsasaka. Taun-taon isinasali niya ang pinakamagagandang mais sa paligsahan ng Masaganang Ani sa bayan. Palagi siyang nananalo. Minsan, may isang mamamahayag mula sa kilalang pahayagan, ang nag-usisa kung papaano nagagawang maganda at malalaki ang kaniyang aning mais. Laking gulat ng mamamamhayag sa isinagot ng magsasaka,  
   “Binibigyan ko ng aking binhi ng mais ang mga kapitbukid ko na magsasaka,"ang tugon nito.
   “Bakit mo naman binibigyan sila ng iyong mamahaling binhi ng mais?” Nagtatakang tanong ng mamamahayag. 
   “Hindi ba’t sila din ang iyong mga katunggali sa Paligsahan ng Magandang Ani taun-taon?” ang dugtong pa nito.
    Sumilay ang ngiti at banayad na tumugon ang magsasaka, 
   “Ikinakalat ng hangin sa nakapaligid na mga bukid ang ‘pollen’ ng pahinog na mais. Kung mahinang mais ang tanim ng mga kapitbukid ko, hihina din ang mais ko sa tuwing may ‘cross pollination.' Upang makatiyak ako na umani ng magaganda at malalaking mais, tinutulungan ko sila na umani rin tulad ng sa akin.”
   Naunawaan ng mamamahayag ang tinuran ng magsasaka at nangusap, 
   “Lahat tayo ay magkaka-dugtong, kabit-kabit at iisa ang hinihingang hangin. Ito ay magkakaugnay. Hindi huhusay ang iyong ani kung hindi mo magagawang tumulong sa ani ng iba.”
    At nagpugay ito, "Mabuhay ka kabayan, ang mga tulad mo ang kailangan na ating bansa," ang papuring iginawad ng mamamahayag.

Makabuluhang Aral: Kung nais mo ng tagumpay, tulungang magtagumpay ang iba. Higit mong matutulungan ang iyong sarili kapag dumaramay ka. Dahil ang kapangyarihan ay nasa nakararami. Nasa pagtutulungan ang ikatatagumpay ng anumang hangarin o adhikain.
Pananaw: May saysay lamang ang tinting, kapag ito'y marami at nakabigkis. Nagkakaroon ng kaganapan at kahalagahan kung may kaisahan sa isip, puso, at mga gawain. Nasa damayan ang ikauunlad ng pamayanan.
Panambitan: "Tagumpay at hindi Talunan! Pagkakaisa at hindi Paglalaban! Tulungan at hindi Agawan! Damayan ang kailangan!" ang mga sigaw ng mga tunay na Pilipino

No comments:

Post a Comment