Pambihirang Katangian
Doon sa bayan ng Rosales, sa lalawigan ng Pangasinan, nakilala ko si Mang Tibo. Isa siyang traysikel drayber at tumutulong sa pagpapaaral ng higit sa sandaang estudyante sa kanilang matrikula, aklat, at kinakailangang mga gastusin hanggang sa makatapos ng pag-aaral ang mga ito. Bagamat hindi sapat, malaki ang nagagawang tulong nito sa mga magulang ng mga nagsisipag-aral.
Matandang binata ito at
isang pamanking lalaki na kanyang pinalaki ang kasama lamang sa bahay.
Ayon dito, nagsimula si Mang Tibo sa traysikad o de-tadyak noong
kabataan pa nito at nang lumaon naging de-motor. Wala gaanong hilig
kundi ang magtanim ng gulay sa kanyang bakuran at maglabas ng kanyang
traysikel. Matipid at palaimpok sa kanyang kinikita. Palaging hindi
tumatanggap ng bayad sa mga estudyanteng kilala niyang kinakapos sa
buhay, at kadalasan siya pa ang nagbibigay ng baon sa mga ito. Naging
takbuhan siya ng tulong na humantong sa pagpapaaral at pagtustos sa mga
ito.
Madali siyang makikilala sa terminal
ng mga traysikel drayber na naghihintay ng mga pasahero. Siya lamang
ang nakabalanggot ng buli, suot ang kupas na kamiseta na wala sa sukat,
tagpi-tagping sinaunang pantalon, at magkaibang kulay na gomang
tsinelas. Malimit may tali pa itong alambre upang hindi mahugot sa
sugpungan. Lahat nang ito ayon sa pamankin, ay ibinigay sa kanya, o
napulot sa kanyang pamamasada. Nanghihinayang siya na gawing basahan ang
mga kasuutan. Matiyaga niyang nililinis, sinusulsihan, at pagmamalaking
isinusuot ang mga ito. Magagalitin kapag nagmungkahi kang bumili siya
ng bagong damit. At kapag binigyan mo naman ng bago ay ipinagbibili ito
at ginagawang pera. Yagit siyang turingan at mistulang pulubi kapag
pagmamasdan. Subalit maligaya siya sa kanyang mga gawain, lalo na ang
pagtulong sa mga estudyante.
Kapag tinatanong kung bakit niya ginagawa ito, ang mabilis niyang sagot ay, “Hindi
ko nadanasan ang bumili ng sariling damit, palaging pinagkaliitan na
kasya sa akin ang aking isinusuot. Hanggat may magagamit, magtitiis ako.
Kakaunti man ang aking kinikita, malaki naman ang aking hangaring
makatulong. Dahil hindi ako nakapag-aral, kaligayahan ko na ang
magpaaral. Nais kong mag-aral silang mabuti, makatapos, at magkaroon ng
mabuting trabaho. At maging mabubuting mamamayan sila na tumutulong sa
ating bansa. Ito ang aking pangarap!”
Noong 2009, matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy na sinundan pa ng
malaking pagbaha sa bayan ng Rosales, ay ipinamahagi ni Mang Tibo ang
natitira niyang pera sa bangko para sa mga estudyanteng nasalanta.
Bagamat 83 taong gulang at wala ng kakayahan sa pamamasada ng traysikel,
naisipan naman niya ang magkumpuni ng makina nito. Nakapag-impok siya
dito ng halagang siyam na libong piso at ito’y kanya ring itinustos sa
pagpapaaral.
Binawian siya ng buhay noong
Agosto 27, 2010 sa isang klinika, kung saan doon siya isinugod ng kapwa
traysikel drayber. Sa kanyang libing, nasaksihan ang mahabang pila ng
maraming nakipagluksa. Iisa ang kanilang paghangang sinasambit, ang
pambihirang katangiang ipinamalas ni Mang Tibo, noong ito’y nabubuhay.
Sadyang katangi-tangi at magandang ilarawan ito. Isa siyang tunay na Pilipino.
No comments:
Post a Comment