Friday, July 20, 2018

May Pusong Daga Ka ba?





   May isang kansusuwit ang laging kinakabahan at natatakot sa pusa. Nakita niya ang kabangisan nito kapag humahabol ng mga munting daga na tulad niya. Halos sa araw-araw, bago ito lumabas ng kanyang lungga ay maraming ulit muna itong pasilip-silip, palipat-lipat ng makukublihan, at patuloy ang panginginig sa matinding takot na makita siya ng pusa.
   Isang salamangkero ang nahabag sa kanyang kalagayan at sa mahiwagang pagkumpas ng kamay nito’y ginawa siyang isang pusa din. Natuwa ang munting daga at naging malaya siyang lumibot sa loob ng kabahayan. Subalit nang magpunta siya sa labas ng bahay ay hinabol siya ng aso. Sa matinding takot, nagkasugat-sugat siya sa pagtakas upang hindi maabutan ng aso. Humihingal itong nakapasok sa kanyang lungga at napabulalas ng panaghoy sa panibagong panganib na naranasan.

   Naawang muli ang salamangkero at ginawa naman siyang aso. Tuwang-tuwa ang daga, ngayong aso na siya ay malilibot niya ang malaking bakuran, ang bulong nito sa sarili. Habang namamasyal dito ay natanaw niya ang kakahuyan sa labas ng bakuran. Nahalina siya sa luntiang kapaligiran nito. Madali itong lumabas ng bakod at nilibot ang bawat maibigan na tanawin. Subalit may narinig siyang kakaibang ungol sa di-kalayuang halamanan.  Isang malaking tigre na may matutulis na pangil ang humahagibis na patungo sa kanya. Nakadama siya ng ibayong panganib, at sa isang iglap ay kumaripas ng takbo pabalik sa loob ng bakuran. Habang tumatakas, kahol ito ng kahol sa paghingi ng saklolo sa salamangkero.
   Nang malapit na siya sa pintuan ng bakuran ay biglang naging tigre naman siya. Ang sambit nito sa sarili, “Ngayon, pati na kagubatan ay aking malilibot.” At masaya itong nagpagala-gala sa malawak na kagubatan.
   Walang anu-ano’y isang humahagibis na busog ang dumaplis sa kanyang leeg. Sinundan pa ito ng isa pang busog at humawi sa balahibo niya sa likod. Nakita niya ang isang taong may hawak na pana at nagkakasa ng panibagong busog. Takbong walang puknat ang ginawa niyang pagtakas hanggang makarating sa bahay na pinanggalingan. Pagpasok sa bakuran ay malakas na umungol ito, sising-sisi sa mga pangyayari.
   “Ayoko na, ayaw ko na. Palagi na lamang akong nabibingit sa panganib," ang paalulong nitong hinagpis sa kanyang sinapit.
   Sa tagpong ito, sumuko na ang salamangkero sa pagtulong sa dating daga. Pailing-iling na ikinumpas muli ang kamay at sinabing,
   “Wala na akong magagawa pa, para makatulong sa iyo dahil anuman ang aking gawin nananatili pa rin ang puso mong daga.”
   At sa isang iglap, nagbalik muli ang anyo nito sa pagiging munting daga.

No comments:

Post a Comment