Friday, July 20, 2018

Unawa at Simpatiya

 

Sa labas ng bakod, ipinapako ng matandang lalaki ang isang karatula. Ang nakasaad sa karatula ay ito: “IPINAGBIBILI: Apat na Magagandang Tuta” Sa pinakahuling pagpako, naramdaman ng matanda ang paghatak sa laylayan ng kaniyang kamiseta. Sinundan pa ito nang pagkalabit sa kanyang likod. Lumingon siya pababa sa mukha ng nakangiting batang lalaki. 
   Ang wika nito, “Tatang, nais ko pong bumili ng isang tuta, para may makalaro ako.”
   “Aba’y mapalad ka Totoy, dahil ikaw ang kauna-unahang makapipili ng nais mo sa apat na tuta. Mahusay ang pinanggalingang lahi ng mga tutang iyan.” paliwanag ng matanda. 
   Nagalak ang bata at dumukot sa bulsa. Inilabas ang lamang pera. Dumukot muli sa kabilang bulsa at kinuha ang ilang barya. Matapos bilanging lahat ay nagtanong ito, 
   “Tatang, puwede na po ba ang walong piso at singkuwenta sentimos para sa isa?” 
   Napangiti ang matanda sa munting halaga, ngunit nang makita ang matinding pananabik ng bata sa mga tuta ay pumayag ito. Kinuha ang pera at sumutsot sa may bodega,
   “Pssst, pssst, Tagpi, pssst, lumabas ka rito!”
   Mula sa bodega, tumakbong papalapit ang magandang asong si Tagpi, kasunod ang apat na masisigla at malulusog na tuta. Patalun-talon at nag-uunahan sa isa’t-isa. Naghahabulan pasunod kay Tagpi. Tuwang-tuwa ang bata at natatawa sa paghaharutan ng mga tuta sa paanan niya.
   Maya-maya, may maliit na mga tahol na naulinigan siya sa may bodega. Nagtanong ito sa matanda,
   “Mayroon pa po bang tuta sa loob ng bodega?”
   “Oo, kaya lamang hindi mo siya magugustuhan." Pailing-iling na paalaala ng matanda.
   "May kapansanan ito nang ipanganak. Pumili ka na lamang ng isa dito sa apat.” ang mungkahi nito.
   “Nais ko pong makita ang tuta na nasa loob ng bodega.” ang hiling ng bata.
   Nakakunot noo ang matanda na inilabas at ipinakita ang tuta sa bata.
   Kapansin-pansin na maliit ito kaysa sa mga kapatid na tuta. Umiika na tulad ng isang pilay sa paglakad. At kapag tumatakbo ay nabubuwal.
   “Siya po ang nais ko,” turing ng bata sa matanda habang itinuturo ang lulugo-lugong tuta.Napamulagat ang matanda at kagyat na nagpaalaala,  
   “Totoy, aanhin mo iyan? At papaano ka makikipaglaro sa mahinang tuta na iyan? Hindi iyan makahahabol sa iyo. Pilay at paloy pa iyan!”
At kasabay nito, itinuro ang apat na malulusog at naghahabulang mga tuta,
   “Pumili ka na lamang ng isa diyan!”
Sumilay ang kakaibang ngiti ng bata, inililis ang pantalon pataas at ipinakita ang kaniyang maliit at payat na binti na tinutukuran ng mga bakal, mula sa sapatos hanggang sa tuhod nito. Paika-ika nitong dinampot ang mahinang tuta, kinilik at tumingala sa matanda,
   “Tatang, ako man po ay hindi nakakatakbo. Pilay rin po ako.
   Tama lamang po na siya ang makalaro ko,
   dahil kailangan may nakakaunawa sa kalagayan niya.”

Makabuluhang Aral: Maraming bagay ang hindi natin kagyat na mapanghihimasukan, hanggat wala tayong kaalaman o karanasan tungkol dito. Anuman ang balakid na kinasusuungan ng isang tao, siya pa rin sa bandang huli ang higit na nakakaalam kung papano niya ito haharapin at malulunasan.
Pananaw: Maganda ang ating nilalayon kapag nag-uukol tayo ng mungkahi, tulong, o pakikiramay sa kapwa, subalit hindi natin ganap na naaarok ang tunay na nilalaman ng kanyang puso't pag-iisip. May karapatan siyang piliin kung ano ang higit na makakatulong para sa kanya.
Panambitan: Madali ang makialam. Ang mahirap ay kapag nalagay ito sa alanganin at humantong sa kapinsalaan ng iba. Hanggat hindi hinihingi ang iyong pansin, makabubuting nakaantabay lamang at nakahanda sa anumang magaganap, sapagkat ito ang katangian ng pagiging tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment