Magandang Huwaran
Anong huwaran ang kailangang sundin ng isang tao? Yaon bang tulad sa mga
banal na tao, na iniukol ang kanilang buong buhay sa paglilingkod sa Diyos? O,
yaong mga iskolar, na nagsasaliksik na maunawaang lubusan ang
kaluwalhatian ng Diyos? O, yaong palasimba at laging may dalang bibliya?
“Ang magandang huwaran ay makikita sa paslit.” ang sagot ng pastor.
Napaangal ang mga tao sa narinig at nagpasaring at mayroon pang napatayo mula sa upuan, “Maling-mali ka pastor, ang isang bata ay walang kamuwangan kung ano ang katotohanan.”
“Marami pa silang kakaning bigas, bago matutunan ang totoong buhay!” sabad na isa.
"May gatas pa ang kanilang mga labi," may hagikgik na dugtong ng isa pa sa gawing likuran.
"May gatas pa ang kanilang mga labi," may hagikgik na dugtong ng isa pa sa gawing likuran.
“Anong matutuhan natin mula sa bata? Kundi ang sawayin lamang sila.” Paanas na sambit naman ng katabi na nakaismid.
Napailing ang pastor at nagwika, “Kayo ang namamali, ang bata ay mayroong tatlong katangiang hindi natin dapat kinakalimutan.”
At nagpaliwanag ng pastor,
“Una, lagi silang masaya nang walang kadahilanan. Sinasamantala nila ang ngayon, hindi ang Kahapon o nakaraan o ang Bukas na darating.
Pangalawa, lagi silang abala, malilikot, at palatanong. Makukulit at mga pasaway na walang kapaguran. Uhaw na uhaw na makialam, tumulong o makigawa at nang may malaman.
At Pangatlo, may determinasyon sila kapag may hinahanap o humihiling ng mga bagay. Naroon ang kumuha ng atensiyon, mangulit, at kung kulang pa ito, gumagawa pa ng drama at kasunod pa ang mga pag-iyak, tampo, at maging bingi kapag may inuutos ka.
Ginagawa pa ba natin ang mga ito?
Ang mga ito ba ay ating ginagawa bilang mga matatanda at higit na nakakaunawa?
Sa totoo, nangawala ang mga katangiang ito, nang PAKIALAMAN natin ang kanilang kamusmusan sa pamamagitan ng maraming pagbabawal. Sa halip na maging gabay tayo, naging panakot at mapag-alala tayo.
No comments:
Post a Comment