Hindi ako isang bihasa sa panulat o manunulat, sa katunayan pinag-aaraln ko pa kung papaano makapag-susulat nang maayos at nasa tamang direksiyon. Lalo na sa mga ganitong tema, na may mga makabuluhang paksa sa larangan ng ating panitikan, kultura, tradisyon, at pagpapalaganap ng wikang Pilipino.
Humihingi ako ng paumanhin doon sa mga mapanuring pukol ng mga kritiko
sa panulat. Sa tilamsik ng kanilang mga puna, panghihinaan ka ng loob na
magpatuloy. Nararamdaman mo tuloy na wala kang karapatan na
makapag-ambag o makibahagi man lang sa ikakaunlad ng ating wikang
sarili. At higit pa, doon sa kanilang pagbatikos sa lantarang paghahayag
ng mga katampalasanang nangingibabaw sa ating lipunang Pilipino.
Nahihiya sila. Hindi nila matanggap ang nakasusulasok na mga
katotohanan.
Magkagayuman, hindi ko na sila inaalaala, itinuturing ko silang
pampalakas loob upang lalong magpatuloy. Sa dahilang ayaw kong
mapabilang doon sa mga umid ang dila, manhid, at nakatunghay lamang sa
mga nakapanlulumong kaganapan sa ating bansa. Kung walang kikibo, sino
ang dapat kumibo para sa atin?
Sadyang mahirap gisingin ang tulog, natutulog, at higit na matindi
yaong nagtutulog-tulugan. Kahit mali-mali o wala sa tamang patutunguhan
ang aking pagsulat, magpapatuloy ako. Mas nanaisin ko pang ako’y mamali,
kaysa manatiling tuod na tinatangay ng agos at pasanin.
Ang napakalungkot pa dito, sa halip na mapalaganap ang wikang pambansa
nagiging tagkitil pa sila sa pag-usbong ng mga nagnanais na ito’y
buhayin. Bakit hindi na lamang sila magturo, kung sa pananaw nila ay
higit silang may karapatan at mahalaga ito? O dili kaya'y, magsulat din
sila upang marami ang mapagpipilian kaysa ang pumuna. Tilaok ang
kailangan natin, hindi ang putak. Bigkisan, hindi ang kaliskisan.
Pagkakaisa, hindi ang palaasa. Isang isip, isang bansa, at isang
Pilipino.
Lubos na paumanhin din doon sa mga nagnanais ng karagdagang kaalaman
kung sakali man mabigo sila na makamit ito dito. At sa manaka-naka at
pabugso-bugso lamang na pagpaskil ng AKO, tunay na Pilipino.
Sapagkat nag-iisa lamang ako. Gayunman, AKO ay Isa. Hindi ko magagawa
ang lahat, subalit makakagawa ako ng kaibahan. At dahil hindi ko
magagawa ang lahat, hindi ko iiwasan o kakaligtaan man lamang na gumawa
ng bagay na makakaya kong gawin. Sapagkat AKO, tunay na Pilipino.
No comments:
Post a Comment