Limiin kung ano ang mensahe, at hindi ang hatulan kung sino ang
nagsabi.
Bagama’t karamihan ng tao sa ngayon ay may pansariling hangarin sa
kanilang gawain, ang iba naman ay lubhang makasarili at walang pakialam sa mangyayari. May matindi pa kung magpataw
ng presyo sa kanilang mga serbisyo o produkto. Mayroon pang pinapalitan ang mga
materyales ng mababang kalidad at padaskol ang gawa. Kadalasan ay laging
pagsasamantala at pandaraya ang isinusukli kahit na nagbabayad ka sa presyo na
napagkasunduan. Isang magandang kapalaran sakali mang makatagpo ka ng isang manggagawa,
karpintero, mekaniko, doktor, o negosyante na matapat ang paglilingkod sa
kapwa.
Isang
lalaki na malapit nang ikasal ang nagtungo sa isang sikat na sastre, at
hiniling na igawa siya ng terno mula sa telang dala niya. Matapos sukatin ng sastre
ang dalang tela ng lalaki ay malungkot na nagpahayag ito, “Ikinalulungkot ko ginoo, ang telang dala mo ay kulang sa sukat. Hindi ito magkakasya para gawing terno.”
Nagulat ang lalaki sa tinuran ng sastre, at
madali nitong binalot muli ang tela at umiiling na lumabas ng tahian ng sastre.
Pauwi na siya sa bahay nang madaanan niya ang isang maliit na tahian. Mabilis
na pumasok ito at tinanong ang nakaupong sastre kung maigagawa siya ng terno sa
telang dala niya.
Matapos sukatin ang tela, “Kasya
po sa isang terno!” ang sagot ng sastre.
Isang linggo ang lumipas at nagbalik ang
lalaki para tubusin ang kanyang terno. Matapos itong isuot at madamang sukat na
sukat sa kanya ay madali nitong binayaran ang balanse. Subalit nang siya ay
palabas na ng tahian, napansin niya ang isang batang lalaki na may suot na
pantalon na katulad ng kanyang tela. Nang makita ng sastre ang pagkagitla ng
lalaki ay nahihiya itong nagpaliwanag,
“Pasensiya na po kayo, dahil sobra ang
tela at naisip ko na wala na itong halaga pa sa inyo, kaya, ang ginawa ko ay itinahi ko ng
isang pantalon ang aking batang anak.”
Bagama’t nakaramdam ng galit ang lalaki sa
kapangahasang ginawa ng sastre, nagpasensiya na lamang ito dahil sa magandang
terno na ginawa para sa kanya.
Nagpuntang muli ang lalaki sa naunang sastre
upang ipakita dito ang magandang terno na nagmula sa tela na tinanggihan nito,
dahil ayon sa sastre na ito, ay kulang sa sukat. Matamang tinignan ng sastre ang
pagkakagawa ng terno, pinuna ang sukat at pagkakatahi, habang patuloy naman na ikinukuwento
ng lalaki, na sa halip na kulang ang tela ay sumobra pa ito at nakatahi pa ng
isang pantalon para sa isang bata. Hindi man lamang natigatig o kumurap ang
sastre sa mga narinig sa lalaki, at mayabang na nangusap, “Walang kaduda-duda ginoo, talagang magkakasya ang sobra ng tela sa isang bata. Para sa akin ito ay kulang sa sukat, dahil ang aking anak
naman ay binata at 25 taong gulang
na.”
No comments:
Post a Comment