Friday, December 27, 2013

Tumpak Ba O, Sadyang Mali?


Ang kawatasan ay kadalasan nagsisimula kung alam ang susunod na gagawin.

Mga Salita na Kailangang Tumpak na Masagot
1. Ang mag-isip ay madali. Ang kumilos ang siyang mahirap gawin. Ang kumilos at mag-isip nang sabay ang higit na mahirap magawa. Subalit nagagawa ito ng iilan, at sila ay matatagumpay dahil bahagi na ng kanilang buhay ang magtanong at hanapin ang tumpak na mga kasagutan.
2. Ang mga tao na balat-sibuyas o lubhang maramdamin tungkol sa pagmamahal ay walang kakayahang magmahal. Sapagkat hindi nila minamahal ang kanilang mga sarili, at hindi nila magagawang magmahal ng iba, dahil wala silang kakayahang ibigay ang wala sa kanila. Pakatandaan; kung piso lamang ang inihulog mo sa alkansiya, ay piso lamang din ang iyong makukuha.
3. Ang panahon ay siyang musika ng ating pagkatao. Ito ang para sa atin; tulad ng tubig sa isda, at hangin para sa mga ibon. Kumilos ka man o hindi, ang panahon ay patuloy, at kailanman hindi ka nito hihintayin. 
4. Ang mahihina ay nanginginig sa harap ng opinyon, ang mga hangal ay tinutuligsa ito, ang matatalino ay hinahatulan ito, at ang maiingat at siyang nakakaunawa ay ginagabayan ito. Ang lahat ng mga bagay ay kumikilos lamang nang naaayon sa kanilang mga kakayahan. Kung nais mong maging malakas at nakakahigit sa iba, ibayong magpalakas ka pa. Sapagkat kung hindi ka kikilos, ayaw mo man o hindi, ay kikilosin ka ng iba.
5. Matakot ka sa relihiyon na nakabatay sa pantasya ng gantimpala at parusa; Isang uri ng pagsupil at kontrol ang takutin ang mga tao at paniwalain na may kalangitan kung magiging masunurin. At kung suwail at hindi masunurin sa mga dogma at dikta ay impiyerno ang susuungin. Kung susunod ka ay doon ka mapupunta sa Paraiso at kung hindi ka susunod, susunugin ka sa Impiyerno. Huwag kalimutan na ang Kaharian ng Diyos ay nasa iyong kaibuturan, at wala ng iba pa. Lahat ay pawang mga komentaryo na lamang at pangunguwarta ng relihiyong iyong kinasama.
6. Maging banal o makasalanan man; kapag umuulan, ay pareho kayong mababasa kung walang may dala ng payong. Sinumang nilalang at maging mga bagay; kapag rumagasa ang bagyo, sa mga daraanan nito, ang lahat ay tatamaan, ... at walang itinatangi o espesyal na pagtrato. Bahagi ito ng kalikasan, at huwag isali ang Diyos o isisi sa Diablo. Sagutin mo nga ito, “Bakit may mga suso ang mga lalaki, gayong hindi naman sila nilalabasan ng gatas para magpasuso?” Bahagi din ito ng kalikasan, "Ano ba ang nauna; ang itlog o ang inahing manok? 
7. Ang Maykapal ang lumikha ng kalahatan, at maging lahat ng buong kayamanan ng mundo. Napakayaman ng Diyos. Ang nakapagtataka, bakit laging kuwarta ang kailangan ng relihiyon. Isang kabuktutan ang humingi ng kabayaran kung nais mong maglingkod nang tapat sa Diyos. Sa panahong ito, ang relihiyon ay nakabatay sa negosyo at pagkita ng salapi upang pasarapin ang buhay ng mga namumuno sa bawa’t sekta ng relihiyon. Patunay ang KBL (Kasal, Binyag, at Libing); may regular o ordinaryo, may espesyal, at premyum pa na batay sa taas o laki  ng pambayad ayon sa gagawing seremonya.
8. Palasak na ang salita na, “Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa.” Sapagkat kung patuloy kang gumagawa, ang lahat ng pagpapala at pagiging mapalad ay palaging nasa iyo. Nais mong maging masuwerte? Kumilos ka. Wala kang mapapala kung pawang panalangin at hindi ang pagkilos ang panuntunan mo. Sauluhin mo man ang buong bibliya, ito ay walang saysay ito kung hindi mo naman ipinamumuhay. Dahil ang pinakamabisang sermon, ay ang iyong buhay.
9. Lahat ng bagay ay paniniwalaan ng mga tao kung ang mga ito ay ibubulong mo. Lalo na kung sasalihan mo ng mga salitang hinango sa bibliya. Sapagkat higit na makikilala ang tao sa kanyang mga gawa at hindi sa kanyang mga sinasalita.
10. Yaon lamang na kailanman ay walang nagawa ang kailanman ay hindi nakagawa ng mga kamalian. Kaya nga, nilikha ang lapis na may pambura, dahil lahat tayo ay nagkakamali. Subalit ang higit na kahindik-hindik; Ang maloko at pagsamantalahan ka ng mga bulag na propeta nang nakadilat ang iyong mga mata. At sa buong buhay mo, hindi ka kailanman na nagising kung bakit ka lumitaw sa mundo, at hindi mo magamit ang kapangyarihang ipinagkaloob sa iyo ng Maykapal na alamin kung sino ka, ano ang iyong mga naisin, at kung saan ka talaga pupunta.
11. Tratuhin ang mga tao nang naayon sa kanilang mga kakayahan, at natulungan mo sila kung papaano nila magagawang ilabas ang lahat ng kanilang mga kakayahan. Hindi ang ituring sila na mga tupa at gatasan sa buong buhay nila. Ang tunay na relihiyon ay nagpapamulat kung papaano ka mahahango sa kahirapan at maging maunlad sa buhay, hindi ang panatilihin kang natatakot at nagdarahop sa buhay. 
12. Hindi ang kasagutan ang nagpapamulat, kundi ang katanungan. Kung wala kang mga katanungan, makakatiyak ka na wala kang mga kasagutan para makamit mo ang katarungan. Mistula kang maamong tupa na kinakaladkad patungo sa bitayan para pakinabangan ng mga tuso at mapagsamantala sa lipunan.
13. Ang tunay na edukado o matalinong tao ay yaong may kabatiran kung papaano matatagpuan ang mga kasagutan sa mga bagay na hindi niya nalalaman. Hangga't panatag ka at walang pakialam sa mga kaganapan sa iyong lipunan, pakaasahan na isa ka ding biktima na inaabuso at pinagpapasasaan.
14. Bagama’t lahat tayo ay nabubuhay sa ilalim ng magkatulad na langit, iilan lamang sa atin ang nakatingin sa magkatulad na tanawin. Karamihan ay tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan; ngunit kakaunti lamang ang mga tunay na gising, patuloy na nakikibaka, at nagtatanggol sa kapakanan ng sambayanan. Marami ang may karaingan ngunit kakaunti ang kumikilos at nagpoprotesta para ito malunasan. 

No comments:

Post a Comment