Friday, December 27, 2013

Likhain ang Buhay na Hangad Mo


Ang mga bagay ay hindi nababago, kundi tayo.

“Mayroong isang pagkakataon
para kaninuman at sa bawa’t tao,
na matagpuan ito nang walang takot,
sa patnubay ng Diyos,
kailanma’y hindi ka mabibigo.”
                            -Jose H. Guevara

Karamihan ng tao ay tahasang magtatagumpay sa maliliit na mga bagay kung hindi lamang sila inaabala ng mga matatayog na ambisyon. Kadalasan ay nakatingin sila sa magiging bunga, nang hindi nakikilatis ang buto o binhing itatanim.

Ang mga tao na nagtatagumpay ay mahuhusay at iilan lamang. Kakaunti sila na may ambisyon at kapangyarihang taglay na paunlarin ang kanilang mga sarili.Wala kang malalaman o katiyakan kundi mo ito sisimulang subukan.

   Hindi mo magagawang pigilan na ibaba ang isang tao nang hindi ka mananatili din sa ibaba habang pinipigilan siya. Piliting magawa ang tamang bagay sapagkat ito ang tama. Ang bagay na sinimulan nang tama ay nagtatapos sa tama --at tagumpay. At ang bagay na sinimulan na mali ay nauuwi sa mali --at kabiguan.

   Kung patuloy kang nabibigo sa buhay, katunayan ito na hindi masidhi ang iyong ambisyon. Maaaring maraming mga bagay ang pumupukaw sa iyong atensiyon na mga walang katuturan at walang kinalaman sa direksiyon na iyong tinutungo. 

   Kung nais mong marating ang pinakamataas na lugar, magsimula ka sa pinakamababa. Tulad ng hagdanan, marami kang aakyating baitang bago ka makarating sa itaas. Sapagkat kung hindi ito gagawin, patuloy kang ibabalik sa dating leksiyon, hanggang sa ito ay iyong malagpasan.

   Karamihan sa atin ay nagpapakita --na sadyang abala sa paggawa ng mga walang kabuluhan, panonood ng mga panandaliang aliw, mga libangan na magastos at walang ibubungang mabuti. Tahasang eksperto sila na manatiling nakatanghod, at nananaghili sa kasipagan at kaunlaran ng iba. Gayunman, ang katamaran ay may kabuluhan din at nakakatulong. Sapagkat isang halimbawa ito na huwag nang pamarisan kung ang hangarin mo ay paunlarin ang iyong sarili.

   Tanungin mo ang isang tao kung may plano siyang gagawin sa araw na ito, para sa isang linggo, para sa isang buwan at mga buwan pang darating. Kapag hindi niya masagot ito nang tuwiran at malikot ang mga mata, pagpapatunay lamang ito na walang direksiyon ang kanyang buhay kundi ang umasa at maghintay sa wala.

   Hangga’t mapanlikha ang iyong isipan, lalaging ligtas ka sa anumang uri ng masamang pagsasanay. Dalawa ang uri ng talento, gawa ng tao at bigay ng Diyos. Dito sa gawa ng tao, kailangan mo ang matinding magtrabaho. Subalit sa bigay ng Diyos, kailangang kalabitin mo lamang paminsan-minsan, dahil ang pagpapala ay walang hanggan. ito nama ay kung may taimtim na pananalig ka.

   Maging sinuman ikaw o kung saanman ka nanggaling at anuman ang nakaraan mo, magagawa mo ang anumang iyong naisin na maging ikaw, kung tahasang ninanasa mo ang pagbabago ng iyong pagkatao. Marami ang hindi nakakaalam kung bakit madalas silang malito, mabugnot, at mabagot sa dahilang pinipilit nilang maging iba ang kanilang personalidad, gayong may sarili silang katauhan na nagnanais makalaya at magpakilala kung sino itong talaga.

Tanging ikaw lamang ang makakagawang mag-isip para sa iyong kapakanan. 
   Sa pagtatapos ng aking buhay, kapag nakatindig na ako at nagsusulit sa harapan ng Diyos, umaasa ako na wala nang anumang bahid ng talento na natitira pa sa akin, bagkus ay maligayang maipapahayag ko, “Nagamit ko pong lahat ang mga bagay na ibinigay ninyo sa akin.”

No comments:

Post a Comment