Friday, December 27, 2013

Aksiyon at Reaksiyon


Nasa kanilang mga aksiyon at hindi sa kanilang mga ideya makikilala ang mga tao.

Bawa’t bagay na nagaganap sa buhay ay nagsisimula sa isang aksiyon at tinatapos ng isang reaksiyon. Kung may dahilan o sanhi, ito ay mayroong epekto. Kapag may simula, mayroon din itong katapusan. Anumang ginawa, ay may kaukulan itong resulta. Walang bagay na nabuhay nang hindi mamamatay. Lahat ay may simula at may katapusan.

   Ang mga halaman ay sumisibol, sumasariwa, at sa kalaunan ay nalalanta at namamatay. Pagkatapos ng ulan, ang araw ay sumisilay. Kung may lungkot, ito ay may kapalit na ligaya. Ang buhay ay patuloy; may umaga, may tanghali, may hapon, at may gabi. Kinabukasan, uuliting muli ito. Kung may sanggol, mayroong  bata, may binatilyo o dalaginding, may binata o dalaga, may mama o ale, at may lolo o lola. Sa bawa’t aksiyon o kaganapan, may kalakip itong reaksiyon o pagbabago.
   Sumusunod ang ating mga tungkulin sa pamantayang ito. Sa ilang respeto tayo ay interesado, sa iba naman ay nababagot tayo. Mahusay tayo sa ilang aspeto nito, subalit masaklap tayong nabibigo sa iba. Tulad ng gulong; sa patuloy nitong pag-ikot, minsan ay nasa ibabaw ka at minsan nama’y nasa ilalim ka. Ganito ang buhay, hindi palaging nasa ibaba ka, sapagkat kung patuloy kang masikhay, ang tagumpay ay nasa iyo at mararating mo ang ibabaw. Batas ito na hindi mababali; na kapag may tiyaga, mayroon itong nilaga.

   Kapag narating ang tagumpay at nakuha na ang hinahangad, karamihan ay nasisiyahan at mapagmalaki; subalit kapag nabigo sa hangarin ay nanggigipuspos, hindi kuntento at bugnutin. Gayong matapos ang mga pagkabigo at masaklap na mga karanasan, ang tao ay natututo at humuhusay sa mga leksiyon nito. Kailanman hindi natin maiiwasan ang mga ligalig at mga kalituhan. Kung walang mga kaparangan, walang mga kabundukan. Kung walang pait, hindi mararanasan ang tamis. Hindi patuloy ang kadiliman ng langit, kahit papaano ang araw ay sisikat din. Sa bawa’t aksiyon ay may kaakibat na reaksiyon. At ito ay naaayon sa ilalakip mong saloobin para dito.

No comments:

Post a Comment