Friday, December 27, 2013

Tanging Ikaw Lamang


Walang sinuman na magmamaliit sa iyo kung wala kang permiso.

Ang sandaling ito, tulad ng mga panahong nagdaan, ay siyang pinakamahalaga sa lahat, dangan nga lamang marami sa atin ang hindi alam kung papaano ito papahalagahan. Anumang sandali, sa bawa’t pagkilos mo, nililikha mo ang iyong kapalaran. Lahat ay nakabatay sa iyong mga naisin, pagpili, at mga kapasiyahan. walang bagay na inisip mo na magiging reyalidad kung hindi mo ito gagawin. At lahat ng mga ito ay batay sa iyong kagustuhan.

   Ang lahat ay tungkol sa iyo. Ang tagumpay mo ay nakadepende sa iyo. Ang kaligayahan mo ay nakadepende sa iyo. Kailangan mong taluntunin ang pinili mong sariling landas. Kailangan mong isaayos ang iyong kinabukasan. Kailangan mo ng edukasyon at mga kaalaman. Kailangan mong mag-isip para sa iyong sarili. Kailangan ipamuhay mo ang iyong sariling konsensiya. Ang iyong isipan ay tanging para sa iyo at ikaw lamang ang may karapatang utusan ito. Lumitaw ka sa mundong ito na nag-iisa at papanaw din na nag-iisa. Mag-isa ka sa iyong mga kaisipan habang ikaw ay naglalakbay sa pagitan nito. Kailangan mong magpasiya para sa iyong sarili. Kailangan mong tanggapin at sundin ang anumang sanhi o resulta ng mga desisyong ginawa mo. Ikaw lamang ang may kakayahang isaayos at itama ang mga maling ugali na nakasanayan mo, para sa iyong kapakanan. Tanging ikaw lamang ang may karapatang magpasiya kung ano ang tama at mainam para sa iyo. Ikaw lamang ang may kakayahang baguhin ang mga maling paniniwala na kinalakihan mo. Maaaring turuan ka ng iba, subalit ikaw ang may kapangyarihang kumuha at linangin kung ano ang mabuti para sa iyo. May kakayahan kang palakasin ang iyong katawan at tumindig para sa iyong sarili. Huwag mong iasa sa iba na ipaglaban ang sarili mong pakikibaka. Kailangan ikaw ang lumaban nito para sa iyong sarili. Kailangan ikaw ang kapitan ng sarili mong barko at maestro ng iyong kapalaran. Kailangan ikaw ang lumutas ng sarili mong mga problema. Ikaw lamang ang makakapaghubog at makapaglilikha ng iyong mga ideya. Ang iyong mga inspirasyon ay galing mismo sa iyong kaibuturan at kusa itong sumisibol kung nanaisin mo lamang. Kailangan likhain mo ang iyong mga lunggati at tuparin mo ang iyong mga pangarap. May kapangyarihan kang supilin at iwasto ang iyong mga pananalita. Magagawa mong piliin ang mga kataga na nakakabuhay at hindi ang mga kataga na nakakamatay. Ang tunay at wagas mong buhay ay ang iyong sariling kaisipan. Ang kaisipang ito ay ikaw ang lumilikha at siyang nagpapasiya ng iyong mga saloobin. Ito ang bukal ng iyong mga pagpili at ginagawang mga kapasiyahan. Ang iyong karakter o personalidad ay sarili mong gawa. Walang sinuman na magagawa kang pasunurin kung hindi mo ito ninanais. Ikaw ang tagalikha ng iyong pagkatao at dito nakabatay ang iyong integridad at reputasyon. Walang sinuman na magmamaliit o hahamak sa iyo kundi ikaw lamang. Kung wala kang pagpapahalaga sa iyong sarili, sinuman ay hindi ka pahahalagahan. Hindi ka magiging miserable o kahabag-habag kung wala kang permiso o kooperasyon para ito mangyari. Kapag gising ka, kailangan mong itayo ang sarili mong monumento; o kung tulog ka sa mga kaganapan sa iyong paligid, ay ang hukayin ang sarili mong libingan. Magagawa mong piliin ang maging masaya o maging malungkot. Ang ilagay ang iyong sarili sa kaligayahan o kapighatian. Ang umindayog sa kasaganaan o magtampisaw sa pusalian. May dalawa kang kapangyarihan: Ang pumili, at ang piliin ang tama. Ang lahat ay magmumula sa iyo. Pakaisipin mo itong mabuti: Ang may kagagawan ng lahat tungkol sa iyo, at nararapat na hangaan o sisihin ay walang iba kundi, Tanging ikaw lamang.

No comments:

Post a Comment