Friday, December 27, 2013

Tanggapin ang Katotohanan


Kailanman ay huwag ipahayag ang katuwiran sa mga tao na walang pagpapahalaga sa katotohanan.

Ang pagkontrol sa iba ay isang uri ng personalidad na matigas at makulit. Kahit na mayroong pagbabagong nagaganap sa kapaligiran, patuloy pa ring ipinaiiral ang nakaugaliang sistema o palakad sa buhay. Sa halip na harapin at sumabay sa makabagong inpormasyon at teknolohiya, pinupuna at pinipintasan pa ito na walang katuturan at makakasira sa nakasanayang mga gawain. Palaging may takot na sa kalaunan ay mawawalan sila ng halaga at kapangyarihan pa, na manatili sa kanilang mga tungkulin. Sapilitang ipinagtatanggol ang kanilang mga prinsipyo, gayong ang totoo, ay iniiwasan nilang magbago at tanggapin ang mga reyalidad na ito.

   Ang progreso, gustuhin mo man o hindi ay patuloy. Hindi ka hihintayin nito. Kung hindi ka sasabay sa anod nito, maiiwan ka na walang asenso. Bawa’t sandali ay may mga bagong kaganapan, mga bagong sistema at mga bagong inpormasyon na pinabibilis ang paggawa, pinamumura ang mga gastusin, at pinahuhusay ang mga kalidad ng produkto o pakikipag-relasyon. Kung ang pamamalakad ay laging makaluma, mapag-iiwanan ito ng kaunlaran at ito ay sadyang patungo na lamang sa kabiguan.

   Karaniwan na ang magkamali, subalit kung paulit-ulit na ito, hindi na ito pagkakamali, isa na itong bisyo at kinagigiliwan na. Sapagkat kung nais mong umasenso sa buhay, lagi kang gising at sumusunod sa mga pagbabago. Walang ibubungang mabuti ang manatili sa dilim at nakapikit lagi ang mga mata. Ito ay napatunayan na: Ang pagkakaroon ng mahusay na desisyon, ay nagmumula sa maling desisyon. Higit na mainam na makagawa ng maling desisyon kaysa walang anumang desisyon. Dahil kung buhay mo na ang nakataya; sa huling sandali, kailangang magdesisyon ka. Kung wala kang desisyon, mayroong magdedesisyon para sa iyo.

No comments:

Post a Comment