Pagkatiwalaan ang mga tao at magiging totoo sila sa iyo; tratuhin
sila ng kadakilaan at ipapakita nila na sila man ay mga dakila din.
Sa pagnanais na supilin o kontrolin ang iba, nagiging
mapaghinala at mapag-akala ang karamihan sa atin. Laging nakabantay at
mapagmasid sa ginagawa ng iba. Mapag-usisa, pumupuna, at laging may pintas
kapag hindi matanggap ang kakayahan ng iba. Mabagal at hilaw ang pakikipag-relasyon
at pagtitiwala. Nananaig ang pagkatakot na sa anumang sandali ay magiging
biktima ng pagsasamantala ng iba.
Dahil
dito, bihira na ibahagi nang malaya o sapat ang mga kaukulang inpormasyon.
At maging ang paglalaan ng tungkulin na magagawa na ng iba ay sinasarili, at
siyang nagiging sanhi upang ang mga gawain ay hindi matapos sa tamang panahon.
Maipapakita mo na sadyang masipag ka at magagawang lagpasan sa posisyon ang
iba, ngunit ang totoo, hindi mo makakamit ito nang walang tumutulong sa iyo.
Ang tagumpay ay nakabatay kung gaano kahusay ang iyong paglalaan ng tungkulin
sa iba. Ang mga bagay na makakayang gawin ng iba ay ibahagi sa kanila, upang
mapabilis na matapos ang mga gawain.
Hindi magkakatulad ang bawa’t tao. Gaano man ang
edukasyon o kakayahan ng mga ito, mayroon silang mga kahusayan na wala sa iyo.
Mayroon silang mga karunungan na hindi mo alam at wala kang kakayahan na
maisagawa ang mga ito. Bawa’t isa ay mahusay at eksperto sa kanya-kanyang
larangan; may mekaniko, karpintero, kantero, latero, doktor, abogado, guro, at
kung anu-ano pang mga trabaho o propesyon. Hindi lahat ay mayroon ka ng mga
kakayahang ito o magagawa mo ang mga ito nang mahusay. Sadyang kailangan ang
tulong ng iba kung ang hangad ay paunlarin ang sarili.
Magagawa
lamang ito kung may pagtitiwala at pananalig sa sarili, at gayundin sa iba.
Ang katapatan ay nagbubunga ng pagkagiliw at magandang inspirasyon sa iba na
mamuhay nang may pag-asa at maligaya.
No comments:
Post a Comment