Friday, December 27, 2013

Maging Mapanlikha


Ang kaalaman ay kapangyarihan kung isasagawa ito, kaysa may kaalaman ngunit hanggang sa titulo lamang.

Lahat ng iyong nakikitang mga kagamitan, mga sasakyan, mga gusali at maging ang mga kasuotan ay nagmula sa isang ideya at nilikha ng maraming mga kamay. Kung walang lilikha, hindi uusad ang kaunlaran. Mula sa mapanlikhang mga kamay ay nagkakaroon ng mga pagbabago.

   Ang paulit-ulit o ritwal ay nagdudulot ng pagka-bagot. Madali tayong napapagod at magsisimulang mainis kung walang nagiging pagbabago sa ating mga ginagawa. Subalit ang mapanlikhang isipan ay patungo sa kaunlaran. Noon, kailangan mo pang pumunta sa bayan para lamang makatawag sa telepono at makipagtalastasan sa malayong bayan o sa ibang bansa. Ngunit ngayon, dudukutin mo na lamang sa bulsa o bag ang iyong cell phone at makakausap mo na ang iyong kamag-anak, saan mang panig ng mundo siya naroon. Dati-rati, noon ay nakikinig ka lamang sa radyo ay masaya ka na, subalit ngayon, may kulay at hi-definition telebisyon na ang pinanonood mo. Anupa’t sa patuloy na mapanlikhang mga kamay, ang mga imposibleng bagay noon ay mga reyalidad na ngayon.
   Maraming mga kaparaanan upang likhain ang isang bagay. Sa ating pagbasa sa ating panulat, nagsisimula tayo sa kaliwa patungong kanan. Samatalang ang mga Arabo ay nagbabasa mula sa kanan patungong kaliwa. At ang mga Tsino naman ay nagbabasa mula sa itaas patungong ibaba. Kung sa matagal na panahon ay nagdadaan ka sa parating lansangan, bakit hindi mo naman subukan bukas, na baguhin ito at dumaan naman sa ibang daan na papunta din sa iyong patutunguhan? Kung nagsesepilyo ka ng ngipin at ang ginagamit mo ay kanang kamay, bakit hindi mo subukan na magsepilyo naman na ang ginagamit mo ay ang iyong kaliwang kamay? Damahin ang karanasang idudulot ng pagbabagong ito kapag nakasanayan mo na.

   Anuman ang iyong ginagawa o kaparaanan sa paggamit, parating may ibang tao na nag-iisip na magawa ito nang naiiba at sa kanilang mga kaparaanan. Gawing pag-uugali na maging mapanlikha, baguhin ang mga dating nakasanayan. Huwag gawin ang isang bagay nang dahil lamang sa kaugalian o tradisyon nito. Ang iyong mapanlikhang isipan ay makakagawa ng makabuluhang pagbabago na ibayong makakatulong sa iyo. At sa puntong ito, kagugulatan mo kung bakit ngayon mo lamang natutuhan na mahusay ka pala sa bagay na ito, … kung nanaisin mo lamang.

No comments:

Post a Comment