Friday, December 27, 2013

Umani ng Tagumpay


Isang paraan lamang upang magtagumpay –aksayahin ang iyong buhay sa makasariling hakbang.

Walang tao sa balat ng lupa na hindi hinangad ang tagumpay. Subalit iilan lamang ang matagumpay. Ang karamihan ay laging nagkakamali at nabibigo. Ang dahilan ay nasa estado ng isipan o saloobin, at ito ang nakasanayang reyalidad na ipinamumuhay. Sa matatagumpay, nakabatay ito sa tamang reyalidad at pamantayang sinusunod. Narito ang ilan na angkop para masunod:

   1.Alamin kung ano ang iyong nais –Pag-aralan at limiing mabuti kung ano talaga ang iyong mga naisin sa buhay. Kinagigiliwan mo ba ang trabaho na ginagawa mo sa araw-araw? Kahit na wala kang sahod, patuloy mo bang gagawin ito? Alam mo ba ang iyong potensiyal, mga kaalaman, at mga kakayahan? Bagama’t mayroon kang naiibang mga katangian, walang halaga ang mga ito kung hindi mo nagagamit. Kailangan mong magpasiya, magkaroon ng lunggati at masidhing hangarin na magtagumpay.
   2. Huwag aksayahin ang buhay nang walang plano at direksiyon –Kahit bilisan mo pa ang takbo, kung hindi mo alam kung saan ka patungo, lahat ng kapaguran mo ay walang saysay at palaging mauuwi lamang ito sa kabiguan. Kung ang simpleng piknik o pagdiriwang ay pinaplano, bakit naman hindi, kung ang sarili mong buhay ang nais mong likhain. Kailangang tahasan mong malaman kung saan mo nais makarating at bakit hinahangad mo ito? Magsagawa ng master plan at gamitin ito bilang patnubay o mapa para matupad ang iyong mga pangarap. Magpunyagi at tuparin ang mga lunggati sa matagumpay na plano at paraan sa bawa’t hakbang.
   3. Hilingin ang tulong ng iba Magtatag ng kilos-pangkat (action group) na nakikiisa at sumusuporta sa iyo. Kailangan mayroon kang kawaksi para magtama kung nalilito at namamali na ang iyong direksiyon. Binubuo ito ng mga eksperto o mentors sa larangan o sa nais mong gawain. Sila ang tatanglaw sa landas na pinili mo upang hindi ka maligaw o magkamali ng direksiyon na pupuntahan. Nanggaling na sila sa pupuntahan mo, at higit na may karanasan at kasagutan sa mga bagay at suliranin na iyong haharapin.
   4. Tapusin ang bawa’t lunggati sa tamang panahon –Huwag pagsabayin o subukang tapusin nang madalian ang mga lunggati. May kanya-kanya itong natatanging hakbang at sapat na panahon para matapos. Kung apurahan at basta makaraos, pawang kalituhan at panghihinayang lamang ang kakalabasan nito. Matamang sundin ang plano upang mabilis at matiwasay na matupad ang lahat.
   5. Maglaan ng panahon sa pahinga –Makina man ay humihinto kapag sobra na ang init upang lumamig. Ang selpon kapag lowbat na ay kailangan ang recharge para lumakas. Kailangan ang pahinga o espasyo para maglibang at magkaroon ng karagdagang kalakasan. Ito din ang tamang sandali para magkaroon ng bagong ideya o inspirasyon para lalong mapabuti ang gawain. Maging matagumpay ka man ay wala na itong halaga pa, kung maysakit ka naman at pambayad lamang sa gamot ang lahat nang iyong kinita.
   6. Iwasan ang mga walang katuturan at negatibong tao –Sa bawa’t hakbang na pasulong, may kalakip itong hakbang na pabalik. Ito ang mga bagay na humahalina sa iyo para huminto at aliwin ang sarili sa mga bagay na walang katuturan, mga panandaliang kahiligan o libangan na ninanakaw ang iyong makabuluhang sandali. Takbuhang palayo ang mga lumalason at negatibong mga tao. Dahil sa miserableng mga buhay, naghahanap ang mga ito ng karamay. Pawang mga pamumuna, pamimintas, at paninisi lamang ang mga katagang namumutawi sa kanilang mga labi. Sa katunayan, wala pa akong nakitang monumento na itinayo para sa mga kritiko.
   7. Manatiling may pananalig at pagtitiwala sa sarili Gaano man ang iyong kaabalahan, laging magpasalamat sa mga pagpapalang natatanggap mo. Ito ang nagpapalakas at nagpapatatag ng iyong pananalig at ibayong pagtitiwala sa sarili. Bilang tao, limitado lamang ang ating kapangyarihan. Naisin man natin o hindi, tayo ay magkakamali. Sa bawa’t hakbang, kailangan natin ang patnubay ng Maykapal upang maging maliwanag at matiwasay ang landas na ating tinatahak.

No comments:

Post a Comment