Saturday, December 29, 2018

Simulang Pahalagahan ang mga Leksiyon ng Buhay



Lahat tayo ay nagkakamali, kaya nga nilikha ang lapis na may pambura upang itama ang kamalian. Ang kabiguan ay mistulang mga tuntungang bato tungo sa tagumpay. Mga pagsubok at mga paghamon ito para lalo kang maging matibay at matatag sa marami pang unos na ipupukol sa iyo ng tadhana. Katulad ng batong diyamante, isang karaniwang bato ito na sa maraming libong pagkinis ay lumilitaw ang kagandahan upang maging diyamante. Ganito din ang ating pagkatao, lumilitaw lamang ang tunay na kakayahan nito sa maraming karanasan at leksiyong natututuhan mula dito.
   Sakalimang hindi ka nadadapa nang maraming ulit, hindi ka masigasig at nakapukos sa talagang hangarin mo. Kailangang makipag-sapalaran, ang madapa, sumubsob, bumangon at subukang muli. Hindi ang mawalan ng pag-asa at tumakas. Matinding pag-ukulan at pahalagahan ang iyong gawain o proyekto, pag-aralan, pagtiyagaan, at lalong paghusayin. Anumang dakilang gawain ay nagdaan sa maraming kabiguan, at napagtagumpayan lamang ito sa bandang huli dahil sa marami ding karanasan at leksiyon na itinuro nito.

Simulang Magmasid at Mamuhay sa Kasalukuyan



Mayroon ka na namang 24 oras upang gampanan ang iyong layunin sa buhay na ito. At ang sandaling ito ay isang milagro. Ito lamang ngayon, ang garantisado, may katiyakan, at may pakinabang. Ito sa ngayon ang tamang panahon upang gampanan ang kapalaran na nakatakda para sa iyo. Hindi ang nakaraan na lumipas na, at hindi rin ang hinaharap na walang katiyakan kung mangyayari pa o hindi. Ngayon, sa mga sandaling ito, kung nais mong makatiyak sa kinabukasan..., ay magagawa mo nang ayusin, tiyakin, at gampanan nang mahusay ang iyong kapalaran - sa araw na ito, ngayon.
   Iwasan na ang "sa isang araw," "balang-araw," "sana," "marahil," "akala ko," atbp. Walang katiyakan ang mga ito kundi ang umasa at maghintay sa bula. Iwasan na pag-ubusan ng panahon ang nangyaring kabiguan at hindi nagampanan sa nakaraan. Mayroon tayong mapagpipilian, at ibayo nating pagtuonan ito, ang NGAYON, hindi ang nakaraan o ang hinaharap. Pag-aralan nating tamasahin ang "nandito at ngayon" at magawang maranasan ang totoong buhay na kasalukuyang nagaganap sa sandaling ito. Ang salapi mawala man ay kikitain pa rin hanggat masigasig ka, subalit ang panahong nagdaan ay hindi na maaari pang magbalik. Ang panahon ay ginto at huwag nating aksayahin sa mga hindi makabuluhan. Dahil buhya natin ang naaaksaya nang walang kaunlarang makakamtan. Pahalagahan at tamasahin nang may kasiyahan ang lahat ng mga bagay na nasa ating paligid, sapagkat lahat ng mga ito ay kusang nawawala sa takdang panahon. Maging ang ating mga sarili ay panandalian lamang at may nakatakdang katapusan. Magsaya na ngayon, at maging maligaya sa kasalukuyan.

Simulan nang maging tunay, wagas at may pagmamalaki sa sarili.



Iwasang minamaliit ang sarili sa iba. Bagamat isang mabuting ugali ang mapagkumbaba, huwag naman gawing robot, utu-uto, sulsulin, at pamasak-butas ang iyong pagkatao. Hanggat wala kang respeto sa iyong sarili walang sinuman na matino ang isipan na rerespesto sa iyo. Hindi mo katungkulan o isang obligasyon na maging takbuhan at tagasagot sa mga pangangailangan ng mga tao na nakapaligid sa iyo. Mayroon kang sariling buhay na kailangan ding panagutan at paligayahin. Kung mananatili ang ganitong sistema ng pang-aabuso hindi malayona pati ang iyong kalusugan at katinuan ng isipan ay maapektuhan.
   Iwasang maging kopya ng iba, isa itong aksaya para maganap ang nais mong maging ikaw. Maging matatag at panindigan kung sino kang talaga. Yakapin nang mahigpit ang tunay mong pagkatao, mga ideya, mga kakayahan at ilabas ang iyong mga potensiyal. Patugtugin ang iyong musika, huwag pabayaang malibing ito na kasama mo. Ilabas ang wagas mong pagkatao nang higit pa sa magagawa mo - tuparin ang pinamaganda at pinakamabuting bersiyon ng iyong sarili - mula sa sarili mong patnubay at mga patakaran. Sa lahat ng ito, maging orihinal at totoo sa iyong sarili, walang balat-kayo, hindi balimbing, malinaw at walang itinatago kaninuman, saanman, at kailanman.

Gawing Priyoridad ang Iyong Kaligayahan.



Nagsisimula ang lahat mula sa iyo. Kung ano ang nasa iyong isipan ito'y ginagampanan ng iyong kalooban. Anumang saloobin na iyong pinaiiral, makakatiyak ka na siya ring isusukli sa iyo. Kung minumutya mo ang kaligayahan na mapasaiyo, simulang kilalanin ang iyong pagkatao.
   Mahalaga ang iyong mga pangangailangan. Hanggat hindi mo pinahahalagahan ang iyong sarili, at binibigyan ito ng ibayong atensiyon, o nagtitiwala at naninindigan para sa iyong sarili, ikaw mismo ang sumisira at nagwawasak ng iyong pagkatao. Lantarang ipinapakita mo sa madla ang kawalan ng pagtitiwala at kaukulang respeto na mismong sa iyo magmumula.
   Palaging tandaan, magagawa mong tulungan ang iyong sarili kahit na nagmamalasakit ka sa kapakanan ng iba na nakapaligid sa iyo. Kung hindi mo naman tutulungan muna ang iyong sarili, hindi ka makakatulong sa iba. Sapagkat hindi mo maibibigay ang bagay na wala sa iyo. Higit kang makakatulong sa iba kung ikaw mismo ay wala ng inaala-ala pa at may kakayahan nang tumulong.

Maging Tapat sa Sarili sa Lahat ng mga Bagay.



Kailanman ay hindi ka maliligaw o mapapahamak kung ang nilalakaran mo ay tamang landas. Ang katapatan o tamang pagpapahalaga sa iyong sarili kung ano ang tama, at isagawa ang mga bagay na kinakailangang ituwid upang mabago. Tahasang panindigan sa sarili na isagawa ang nais na makamtan at matapat na gampanan kung sino ang ninanasa mong maging ikaw. Palaging isaisip ang bagay na ito sa lahat ng aspeto ng iyong buhay. Sapagkat dito nakasalalay ang hinahangad mong tagumpay, dahil lahat ng mga ito ay matutupad lamang sa dulo ng iyong mga kamay. Ikaw mismo at wala nang iba pa ang tanging makakagawa nito para sa iyong sarili.  Apuhapin at sisirin sa iyong kaluluwa ang katotohanan upang ganap mong makilala kung sino kang talaga. Kapag nagawa ito, may kakayahan ka nang malaman kung saang direksiyon nais mong pumunta at kung papaano ka makakarating doon.

Simulan at Tahasang Harapin ang Iyong mga Suliranin



Hindi ang mga problema ang siyang nagpapakilala kung sino kang talaga, kundi kung papaano ang naging reaksiyon mo, at kung nalagpasan o nalunasan mo ang mga ito. Ang mga alalahanin at mga kabiguan ay hindi mawawala hanggat hindi mo ito ginagawan ng kaukulang aksiyon para malunasan. Gawin kaagad ang lahat ng iyong makakaya, hanggat magagawa mo, at pahalagahan anuman ang iyong nagampanan maliit o malaki man ito. Katulad ng isang bata na nagsisimulang tumindig at ilakad ang kanyang mga paa, maiikling hakbang, bagamat nabubuwal ay nagpapatuloy, unti-unti sa tamang direksiyon hanggang sa matutong maglakad. Gayundin sa pagharap sa mga suliranin, kahit na mumunting pagkilos kapag pinagsama sa bandang huli ay malaki na ang nagagawang pagbabago.
2 Pormula: Tanungin lamang ang sarili;
1. Mayroon ka bang problema?   Oo. May magagawa ka bang solusyon tungkol dito?   Oo. Kung gayon, bakit ka nababagabag? May magagawa ka naman palang solusyon.
2. Mayroon ka bang problema?   Wala. Kung wala, bakit ka nababagabag? Hindi pa nangyayari ang inaasahan mo, natatakot ka na. Ikaw mismo ang naglalagay ng problema... kaya ka nababalisa.