Thursday, August 30, 2012

Positibong Pagpapahalaga sa Sarili



Magtatagumpay ka kahit walang naniniwala sa iyo, subalit kailanman ay hindi ka magtatagumpay kung wala kang positibong paniniwala sa iyong sarili.

22- Italaga na patuloy sa paglikha ng mga positibong bagay at sitwasyon na nagpapatibay ng iyong pagpapahalaga sa sarili.

   Huwag maghintay, kailanman ay walang “tamang panahon” o sa “ibang araw.” Magsimula na positibong titigan ang mga bagay na makakatulong sa iyo. Pag-alabin ang puso na tuklasin ang mga katangian at potensiyal na mayroon ka. Maging positibo at matatag na tumindig at tahasang tuparin ang iyong mga pangarap. Gamitin ang anumang kagamitan na mayroon ka, at ang mahuhusay pang kagamitan ay mapapasakamay mo habang patuloy ang iyong paggawa. Ang positibong kaisipan ay katulad ng pinalalakas na masel sa iyong katawan, pinagyayaman nito ang iyong isipan. Habang ginagamit mo ito, lalo kang nagiging mahusay. Inihahanda ka na malagpasan ang mga pagsubok sa iyong katatagan, pinapalitan ang iyong kaisipan ng mga mabubuting ugali, at inaakit nito ang mga positibong tao.
   Iwasan ang manisi sa mga panlabas na pangyayari na nagpapasama ng iyong pakiramdam tungkol sa buhay. Mga negatibo ito na humahadlang para maligaw ka at hindi makita ang mga positibong kaganapan.Walang bagay na nangingibabaw at komokontrol sa iyong kaisipan o maging mga pagkilos kundi ikaw lamang. Lalo na kung may sariling pagkakamali at ibinubunton ang pagsisi sa iba para makaiwas sa pananagutan. Manatiling positibo; harapin ng matapat ang responsibilidad at tanggapin nang maluwag sa puso ang anumang pagkakamali. Tandaan lamang; Hindi mo maiiwasan na lumipad ang ibon sa ibabaw ng ulo mo, ngunit mapipili mo kung saan ito maaaring gumawa ng kanyang pugad.
   Piliin ang tamang kataga para sa kabutihan na nakapag-aanyaya ng unawaan, pagtutulungan, at kaunlaran sa isa’t-isa. Isipin ang mga salitang nakapagbibigay ng pag-asa, kasiglahan, at pagmamahal. Kung may pagpapahalaga ka sa iba, ibayong pagpapahalaga din ang igagawad nila sa iyo. Isang adbenturura ang buhay; sa bawa’t paglabas mo ng bahay, ito ay isang pakikipagsapalaran. Isipin ang lahat ng mga posibilidad na magaganap sa iyo sa araw na ito. Nasa iyong pagpili lamang kung nais mong maging positibo. Sa perspektibong ito, hindi mapanglaw o nakakabagot ang buhay. Wala ka ng panahon para mabalisa, malito o mag-isip pa ng negatibo, sapagkat ang iyong isip ay nakatuon lamang sa mabuting buhay.
   Iwasan ang lubos na pagtatangi, pagkahumaling o maging kawalan ng atensiyon o pagpapabaya sa relasyon. Moderasyon at pagtitimpi ang kailangan para hindi mabulabog at mag-init ang isipan upang maiwasan na makita ang mga bagay sa tunay na anyo ng mga ito. Sa halip, sanayin ang sarili sa mga positibong bagay at taimtim na kapanatagan ng sarili. Anumang ugali na mali ay natutuhan mo sa nakaraan at ngayon ay pinipilit mong labanan at maiwasan ito. Para malunasan ito, kailangang palitan ng bago at mabuting ugali upang tuluyan nang malimutan.
   Magtalaga ng kahit isa man lamang na positibong tao sa iyong buhay, sapagkat ang mga tao na laging nasa iyong paligid ay siyang magtatakda sa uri ng iyong personalidad. At maging mga pagkilos, daloy ng pananalita, punto ng kataga, at mga pangangatwiran ay iyong magagaya. Mahalaga sa lahat ang ituon ang iyong atensiyon doon lamang sa mga positibo at makabuluhang panoorin, musika, talakayan, samahan, at mga libangan, sapagkat ito ang lumilikha ng iyong pagkatao at kapalaran.

“Huwag tularan kung ano ang masama, kundi kung ano ang mabuti.”  3 Juan 1:11

Tuklasin ang pakinabang ng pagiging positibo. 


Ang Dalawang Aso sa Ating Kalooban
   Lahat tayo mayroong dalawang aso sa ating kalooban. Ang isa ay ang puting aso na positibo, masayahin, maasam, matapang, at puno ng pag-asa. Ang isa ay ang itim na aso na negatibo, magagalitin, malungkutin, matatakutin, at puno ng mga bagabag, Madalas ang dalawang aso na ito ay naglalaban at matira ang matibay sa ating kalooban. Ang tanong; sino ang laging panalo sa labanang ito? Ang sinuman sa dalawa na lagi mong pinakakain nang madalas.


7 Mga Kagalingan ng Pagiging Positibo
1-Binabago nito ang iyong buhay sa pagkakaroon ng mga makabuluhang katangian.
2-Pinag-aalab ang iyong pananalig at pag-asa na makamit ang tagumpay.
3-Pinatatatag kang humarap sa mga paghamon, kasiphayuan, at pakikibaka sa buhay.
4-Pinagyayaman ang iyong mga relasyon sa pagsasama, pakikipagkaibigan, at trabaho.
5-Pinagtitibay ang iyong pagtitiwala sa sarili na magsumigasig pa at gawin ang lahat ng makakaya.
6-Pinalalawak ang iyong pananaw na lubos na makita ang buong larawan  para makagawa ng solusyon.
7- Pinasisigla, pinagaganda, at pinahahaba ang iyong buhay .

Ang karaniwang lapis ay may pitong pulgada ang haba, at may kalahating pulgada na pambura. Patunay lamang ito na positibo ang mangyayaring pagsulat.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
Nakahanda ka bang makagawa ng positibong pagbabago sa iyong katauhan?
Nakahanda ka bang magbago sa positibong paraan na iniisip mo?
Nakahanda ka bang isaayos ang iyong kaisipan sa mga positibong bagay na apektado ka, sa iyong kapaligiran, at sa mga taong nakapaligid sa iyo?
Alalahanain itong mabuti:
Mayroon ka bang sapat na kabatiran kung nasaan ka, ano ang iyong nalalaman, at ano ang iyong talagang nais sa buhay? Malinaw ba at tahasang nakahanda ka na matupad ang iyong mga pangarap?

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

No comments:

Post a Comment