Wednesday, November 02, 2016

Mahal Kong Kababayan



Ang Pilipinas, para maging ganap na bansà ay nangangailangan ng tahasang destinasyon upang maisakatuparan ang kinakailangang mga adhikain nito: isang pambansang pagkakaisa, pagdadamayan, at pagmamalasakit upang ang mga interes at mga aspirasyon; mga tradisyon at mga panuntunan; at makabayang pananaw ay magsilbing gabay tungo sa kapayapaan at kaunlaran. Ito ang pinakabuòd at matibay na sandigan ng kanyang pagkabansà.
   Kung wala ang bayanihang pagkakaisa na ito, wala itong nationalismò bilang kaluluwa o ispiritu na magtataguyod para matupad ang makabuluhang mga layúnin nito.
   Kung walang mga tradisyong sinusunod at mga panuntunang pinahahalagahan na umuugnáy mula sa nakaraan at nagpapatibay sa hinaharap, mistula itong tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang ilog at patuloy na isinasalpòk sa mga batuhan.
   Kung walang mga pagdakila at mga pagbubunyi para sa mga dati at mga bagong bayani nito o mga pagturìng o pagtangkilik sa naiwang mga pamana at mga pagpapakasakit ng kanyang mga mamamayan, katulad lamang ito ng isang palaboy at peste na pakalat-kalat sa lansangan, na kung saan madapà, doon na humihimlày.
   Kung walang mga makabuluhang mga pagtitipón, mga samahan, at mga kaisahan tungo sa pangkalahatan o Pambansang Ugnayán, hindi ito makakarating sa nakatakdang paruruonan.
   Walang tayu-tayo lamang; walang kami-kami lamang; at walang atin-atin lamang; kundi lahat-lahatan ay nakaukol at may banal na tungkulin para dito. Ito ay isang makabayang hangarin at tunay na Pambansang Pagbabago para sa kapayapaan at kaunlaran ninanasà ng bawat Pilipino.

 Tanging tunay na Pilipino lamang ang wagas na magmamahal sa kapwa Pilipino.

Jesse N. Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment