Isang katalinuhan ang malaman kung papaano pitasin ang hinog na bunga sa isang mabungang punong-kahoy. Sapagkat ang mga bunga bagamat mula sa iisang puno; karaniwan na ang may mura, manibalang, at may sira o bulok na; kahit dumilaw na ang balat nito. Gayundin kung may mahusay kang punla o buto ng halaman na itatanim; kailangan ding may kaalaman ka sa uri ng masaganang lupa na pagtataniman. Anupat marami kang gagawing mga tamang hakbang upang makatiyak ka ng magandang kalalabasan.
Ang matalinong tao ay nababatid ang halaga ng bawat bagay, sapagkat kinikilala niyang mahusay na panuntunan ang kilatisin muna ang kahalagahan ng bawat bagay kung ang mga ito'y makakatulong at makapagpapaunlad sa kanynag kapakanan.
Ang mga palalo at mga hangal lamang ang walang mga pakialam at umiiwas na pagmalasakitan ang bawat bagay. Para sa kanila, isang pag-aaksaya lamang ito ng kanilang panahon at walang saysay. Sila ay mga yagit at mga pabigat sa lipunan; walang kabatiran kung ano ang makabuluhan at makakabuti. At sa kanilang walang katiyakang mga kapasiyahan, madalas silang mga napapahamak.
Hindi nila alintana, na nasa mumunting bagay lamang nagsisimula ang lahat. At ang bawat bagay ay may kanya-kanyang kahalagahan. Kung hindi ka maingat at may pagpapahalaga sa mga munting bagay; bahagi na ng iyong buhay ang laging may puwing sa iyong mga mata.
No comments:
Post a Comment