Tuesday, January 28, 2014

Pabaya



May isang napakamahiyaing binata ang umibig sa isang dalaga sa bayan. Madalas na tuwing pumupunta siya sa bayan at titigan niya ang dalaga sa tindahan ay nahuhuli niyang nakatitig ito sa kanya at mabilis na nagbababa ng tingin, na tila nahihiya. Nararamdaman ng binata na may pagtingin din sa kanya ang dalaga. Dangan nga lamang, pinanghihinaan ng loob ang binata na ligawan at kausapin ang dalaga. Sa tuwing susubukan niyang dalawin ang dalaga sa bahay nito ay pinagpapawisan siya ng malamig at nabubulol magsalita. Tulad ng dati, mabilis na itong magpapaalam at mangangakong magbabalik muli. Subalit maraming araw at linggo ang nagdaan, hindi na ito nakabalik at ipinagpatuloy na lamang ang paghanga sa dalaga ng ligaw-tingin.
   Bagama’t kinakabahan pa rin, ipinasiya ng binata na sulatan na lamang ang dalaga sa araw-araw upang maipadama ang kanyang taos na pag-ibig sa dalaga. At ito nga ang nangyari, dumaan ang mga araw, mga linggo, mga buwan, at pagkatapos ng isang taon, naglakas-loob ang binata na anyayahan ang dalaga na mamasyal sa magandang parke ng bayan.
   Masusing nagplano ang binata, mula sa isusuot na polo at pantalon, namili ng bagong sapatos, pinili ang lamesa na uupuan sa sikat na restoran sa tabi ng parke. Inilista sa papel ang mga pagkain at panghimagas na nasa menu. At pinakiusapan ang matalik na kaibigan na siyang maging tsuper niya at ng dalaga sa dakilang araw na magaganap. Anupa’t handang-handa na ang binata sa lahat ng bagay para makausap niya nang harapan at masinsinan ang dalaga.
   Maaga pa ay pasipul-sipol na itong nagtungo sa bahay ng dalaga. Buo na sa kanyang kalooban, na sabihin nang harapan ang marubdob niyang pag-ibig sa dalaga. Kagabi pa lamang, ay sinaulo na niyang maigi at paulit-ulit ang bawa’t kataga na kanyang uusalin kapag kaharap na ang dalaga. Sa tantiya niya, hindi pa niya natatapos ang pangungusap ay sasagutin na siya kaagad ng dalaga ng, “Oo, iniibig din kita.”
   Subalit nang maindayog na niyang maibulalas dito ang lahat-lahat ng damdaming kinimkim niya nang mahabang panahon ay nabigla at nanlumo siya sa isinagot ng dalaga,—Pasensiya ka na, m-m-may-asawa na ako. Napangasawa ko ang tagahatid ng sulat.”

Bulaang Kritiko



Ang mga kritiko ay walang binabanggit na makubuluhan, kundi ang gamitin ang kanilang hintuturo sa tuwina na may magkakamali o nabibigo na mga nagsisikhay at gumagawa ng malaking kaibahan sa lipunan. Kaugalian na nila ang pumuna, mamintas, at manisi, kapag sila ay naungusan o nalagpasan sa kaunlaran. Hindi nila magawang tanggapin ang tagumpay ng iba. Matinding sampal sa kanilang mga mukha na makitang nagawa ng iba ang mga bagay na hindi nila makayang gawin, at imposibleng magawa nila para sa kanila. Sa halip na ikatuwa na may nagtatagumpay sa kabila ng abang kalagayan, higit na mainam para sa mga kritiko ang pumintas at magkulapol ng putik sa pagkatao ng kinaiingitan nila.
   Ang tunay na papuri ay nakalaan lamang para doon sa mga mapagsikhay at nagkakamali. Sapagkat yaon lamang na mga nabibigo at sa patuloy nilang mga kamalian, ay nagagawang maitama ang mga bagay. Walang mga pagkilos na walang mga kamalian, dahil hindi tayo mga perpekto o sakdal. Kaya nga, nilikha ang lapis na may pambura, upang burahin ang mali. Ang tunay na tao, sa kabila ng kanyang mga kamalian ay nagsisikhay at patuloy na naghahanap ng solusyon para magtagumpay. Siya ay may dakilang layunin, masigla, at may matining na malasakit sa kanyang kapakanan at maging sa pamayanan. Laging inaaksaya ang kanyang kalakasan at mahahalagang mga sandali doon lamang sa mga makabuluhang bagay. Batid niya ang kaibahan sa pagitan ng Panalo at Talunan; ng Tagumpay at Kabiguan; ng Kaligayahan at Kapighatian; at ng Kritiko at Tagalikha.
   Ang kritiko ay mapang-usig, mapang-uri, at mapaminsala. Ang tagalikha ay gumagawa ng kaibahan, mapaglingkod, at nabubuhay nang may kagitingan at paninindigan. Higit na may pananalig kaysa sa mga mababaw ang kaisipan na kailanman ay hindi nauunawaan ang maging panalo o maging talunan.
   Kung sabagay, “Wala pa akong nakita na itinayong monumento para sa isang kritiko.”

Matiwasay na Buhay



Pakaisipin itong mabuti; ang mga tao ay nagrereklamo lamang tungkol sa mga bagay na may magagawa silang pagbabago. Hindi nila idinadaing o pinupuna ang tungkol sa mga bagay na wala silang kapangyarihan na baguhin; katulad ng ihip ng hangin, pagbabago ng klima, ang tag-ulan o tag-araw, ang grabidad ng mundo, huni ng mga ibon at kulisap, atbp. Mapapansin na ang mga bagay na lagi nilang karaingan ay makakaya nilang malunasan, kung pag-uukulan lamang nila ang mga ito nang ibayong atensiyon at solusyon.
   Hindi ba kapuna-puna na yaong mga tao na mareklamo ay laging nagsusumbong sa maling mga tao? Mayroon silang problema kay Rudy, ngunit sinasabi ang kanilang mga problema kay Mario. Ang magagawang solusyon lamang ni Mario ay ang sumang-ayon at maki-dalamhati sa problema, kung minsan ay lalong pag-initin at palubhain pa ang pangyayari. Kung may problema kay Rudy, kailangan si Rudy ang kausapin at hindi si Mario. Higit na mainam ay kausapin nang deretsahan si Rudy upang malunasan ang hindi pagkakaunaaan at hindi na humantong pa sa hidwaan. Hindi ang palawakin pa ito sa pagsusumbong o pagkakalat ng problema sa ibang mga tao na hindi naman kasangkot o may kinalaman sa problema.
   Iwasan ang manisi. Unti-unti ka lamang pinapatay nito sa konsumisyon at malabis na pag-aalala. Pag-aralan na mapalitan ang mga pagpuna, pamimintas, at paninisi ng mga pakiusap, mga kahilingan at paggawa ng aksiyon, na makakalunas sa hinahangad na matiwasay na relasyon. Kung ayaw mo ang masalimoot at mapighating buhay, simulan mo nang kausapin ang mga tao na may problema ka at gawan kaagad ng solusyon. Kung hindi naman mapakiusapan, magsama ng tao na mamamagitan tungo sa pagkakaunawaan. At kung wala pa ring mangyari, iparating ang karaingan sa Makapangyarihan sa Lahat. Sa puntong ito, nakalaya ka na sa mga hilahil na laging gumagambala sa iyong isipan.
   Anumang bagay na binibigyan mo ng atensiyon ay iyong makakamit. Anuman na iyong itinanim, ay iyong aanihin. Ang gawang mabuti ay hindi kailanman magbubunga ng masama.

Ang Mahalaga sa Lahat



Minsan, ay may isang mayamang negosyante na nagdaramdam ang nagtanong sa kanyang kaibigan, “Bakit ba palagi na lamang ako na pinupuna at sinisisi, at madalas pa ay pinaparatangan ako na maramot? Gayong lagi ko namang ipinapaliwanag sa karamihan, na kapag ako ay yumao na sa mundong ito, lahat ng aking kayamanan at mga ari-arian ay ibibigay ko sa kawanggawa.”
   Napangiti nang lihim ang kaibigan, ngunit tinugon ang karaingan ng negosyante. “Kung gayon, hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang tungkol sa Baka at Baboy. Kung bakit malaki ang kanilang ipinagkaiba sa paninilbihan sa mga tao.”
    Isang araw sa isang kuwadra, nagmamaktol ang baboy at pilit na inuusisa ang baka kung bakit popular ito, samantalang siya, bilang baboy ay bihira ang pumupuri at nagpapahalaga sa kanya.  
   “Ang mga tao ay palaging pinag-uusapan ka tungkol sa pagiging mahinahon at masunurin mo,” ang reklamo ng baboy sa baka. Totoo naman na nakapagbibigay ka ng gatas at keso, at nakakatulong ka pa sa bukid, subalit nakakahigit naman ako sa iyo sa aking mga ibinibigay. Marami ang mula sa akin; may malutong na litson, longganisa, hamon, hotdog, sausages, embutido, bacon, laging panghalo sa mga lutuing gulay, at kung anu-ano pa. Paborito pa nga ako na pulutan; may chicharong bulaklak, crispy pata, pork barbecue, at inihaw na liempo. Pero, wala namang natutuwa sa akin, walang may gusto sa akin, bakit ba ganito ang turing ng mga tao sa akin?”
   Nag-isip saglit ang baka, at pakindat na tumugon, Alam ko na, kung bakit walang may malasakit sa iyo at kung bakit ako ang palaging pinupuri, sapagkat  ako ay mapagbigay at mapaglingkod habang ako ay buhay.”

Ang Ligaya Ko



Huwag umiyak dahil nakalimot at natapos na, 
sa halip ay ngumiti sapagkat ito ay nangyari.

Maikli lamang ang buhay, ngunit ang nakapagtataka, ang karamihan sa atin ay walang patumanggang inaaksaya ito sa walang mga katuturang bagay.
Natutuhan ko:
   Kailangan na matutuhan ko ang pag-uugali ng mundo at tamasahin ang kaligayahan na itinakda para sa akin.
   Ipinangako ko sa aking sarili na maging masaya sa bawa’t araw. Ang harapin ang maghapon nang buong sigla at may pag-asa. Kailanman ay hindi isinasakripisyo ang ngayon dahil lamang sa nakaraan at hinaharap. Laging tinatanggap ang pagmamahal kaninuman, saanman, at kailanman. Ang mabuhay sa bawa’t sandali na kailanman ay hindi ko inililiban o pinababayaan ang anumang bagay na magpapasaya sa akin. Sapagkat ipinairal ko na sa aking sarili na maging maligaya sa tuwina.
 

Wednesday, January 01, 2014

Ang Resolusyon ay Aksiyon


Huwag sayangin ang anumang mayroon ka sa pagnanasa ng mga bagay na wala sa iyo; tandaan na anumang mayroon ka ngayon ay minsang isa sa mga bagay na inasam mo noon. 
   
Ang mga kaganapan ng nakalipas na taon ay nakapagturo ng maraming leksiyon, mga karanasan, at ilang mga pangkalahatang katotohanan. Natutuhan ko, bagama't ang mga sugat ay madaling igawad ng mga tao na ating minamahal, at kadalasan ay siyang mahapdi at matagal maghilom. Subalit ang proseso ng pagpapagaling o paglimot sa mga ito ay siyang nakapagdudulot ng pinakamabisang karanasan sa buhay.
   Natanggap ko, na ang tao ay may kakayahang magbago, kahit na siya ay nasa kalagayang kahapis-hapis. Mayroon siyang kapangyarihan na makaahon at talunin ang anumang hilahil na umaalipin sa kanya. Nakamit niya ito bilang paghamon sa kanyang kakayahan, at siya ay may natatanging potensiyal o kalakasan na magapi ito. Hindi ito ipagkakaloob sa kanya ng tadhana nang walang dahilan, kung hindi niya ito malalagpasan. Bahagi ito ng mga baitang ng isang hagdanan para makarating sa itaas. Isang paraan upang makamit ang tagumpay. Hangga't hindi ka nakakapasa sa unang baitang, hindi mo maakyat ang ikalawang baitang, sapagkat muli kang ibabalik para ganap mong matutuhan ang mga leksiyon.
   Ang kahapon ay isang panag-inip. Ang hinaharap ay isa lamang na pananaw. Subalit ang araw na ito na matiwasay na ipapamuhay ...ay nagagawa ang bawa't kahapon na panag-inip ng kaligayahan, at ang bawa't kinabukasan ay isang pananaw ng pag-asa. Sapagkat ang mundo na puno ng galit, ay kailangan nating magsikhay na umasa. Sa mundo na puno ng pighati, ay kailangan nating masidhing mangarap. At sa mundong puno ng walang pagtitiwala, ay kailangan nating lubusin ng taimtim na pananalig at paniniwala.
   Hindi kailangan na tahasang malaman kung ano ang nangyayari, o talagang saan patungo ang lahat. Ang kailangan ay ganap na maunawaan at tanggapin ang mga posibilidad at mga paghamon na ipinagkakaloob ng kasalukuyang sandali, at buong higpit na yakapin ang mga ito nang may kagitingan, pananalig, at pag-asa. Nasa tamang pagpili lamang na igagawad ang tamang kapasiyahan.

Apat na Karapatdapat na Kawatasan
1. Apat na mga bagay na may katalinuhang malaman:
   Kapabayaan, Dalamhati, Kaibigan, at Katunggali.
2. Apat na mga bagay na kailangang nasa kaibuturan:
   Pagmamahal, Pagmamalasakit, Paglilingkod, at Pagtitiwala
3. Apat na mga bagay na kailanman ay walang puwang sa puso:
   Pagkainggit, Panghihinayang, Pag-iimbot, at Pagkalasing
4. Apat na mga bagay na kailangang isipin sa lahat ng sandali:
   Pang-unawa, Pagpapatawad, Pagtawa, at Pag-asa

   Kahit na sanay tayo at nakakatiyak sa paraan na ating ginagamit, nabibigo pa rin tayo na magkaroon ng sapat na katiwasayan mula sa ating mga kapasiyahan. Isa lamang resolusyon ang angkop para sa lahat ng ito: Ang bumangon maging sa maliliit na mga bagay. Sapagkat walang naging malaki nang hindi nagmula sa maliit.
Tandaan lamang: Para sa taong ito ng 2014: Magtanim ng mga binhi ng Kaligayahan, Pag-asa, Tagumpay, at Pag-ibig; lahat ng mga ito ay magbubunga at muling magbabalik sa iyo ng ibayong higit pa na kasaganaan. Ito ay Batas ng Kalikasan at sagradong nasusulat.

Masaganang Bagong Taon sa Inyong Lahat!