Saturday, June 06, 2015

Tahakin ang Sariling Landas

Nakahanda po ako na iwanan ang lahat. Kung maaari lamang, tanggapin na ako bilang isang disipulo.” Ang pakiusap ng isang lalake sa punong-monghe at tagapamahala ng isang monasteryo.
   “Bakit ba nais mong maging disipulo?” Ang tanong ng isa pang monghe. Sa halip na sumagot ay ang lalake ang nagtanong, “Papaano ba mapipili ng isang tao ang kanyang landas na tatahakin?”
   Tumugon ang monghe, “Sa pamamagitan ng malayang kapasiyahan. Ang landas na nangangailangan ng malayang sakripisyo ay siyang tunay na landas.”
   Isang araw, sa pagmamadali ng monghe ay nabangga ng kanyang braso ang isang estante at mula dito ay nahulog ang isang mamahaling florera, sa isang iglap ay nasalo kaagad ito ng kasamang lalake, ngunit sa pagbagsak nito ay nabali ang isa niyang brasò.
   “Anong sakripisyo ang higit na mahalaga, ang makitang nabasag ang florera o ang mabakli ang brasò sa pagnanasang iligtas ang florera sa pagkabasag?”
    “Hindi ko po alam,” ang tugon ng lalake.
   “Kung gayon, huwag subukang gabayan ka ng pagpili sa pamamagitan ng sakripisyo. Ang sariling landas ay pinipili ng ating kapasidad na kusang hayaan ang bawat nating hakbang na maging malaya nang walang anuman ligalig habang tayo ay naglalakad.”
   Ano po ang ibig ninyong sabihin? ang may pagtatakang nasambit ng lalake.
   “Sa buhay, hayaan mong maging malaya ka sa pagpili nang walang isinasakripisyong kapasiyahan na maglilito sa iyo upang hindi ka maligaw sa landas na iyong tinatahak.”

Mga Paala-ala:
   Kailangan nating limutin ang ating iniisip kung sino tayo, para magawa nating kilalanin kung sino tayong talaga.
   Sa matinding pagnanasa nating makarating kaagad, madalas nating nakakalimutan ang pinakamahalagang bagay, ang tamasahin ang ating paglalakbay.
   Kailangan ng tao ang pumili at magpasiya, hindi basta na lamang tanggapin ang kanyang kapalaran.

No comments:

Post a Comment