Saturday, June 06, 2015

Lasing sa Kapangyarihan

Isang makapangyarihang engkangto ang nagnais na wasakin ang buong kaharian, winisikan niya ng mahiwagang pulbos na nakakalasing ang balon ng tubig na kung saan lahat ng mga tao na nasasakupan ng kaharian ay kumukuha ng kanilang maiinom. Lahat ng makainom nito ay nalalasing at nababaliw.
   Kinabukasan, ang buong populasyon na uminom sa balon ay nabaliw, ngunit hindi kasama ang hari at ang pamilya nito, dahil nakapag-imbak ito ng sapat na maiinom na tubig. At hindi nagawang lasunin ito ng engkangto.
   Nabalisa ang hari at pinilit na kontrolin ang sitwasyon sa pamamagitan ng magkakasunod na mga kautusan na nag-uutos na maisaayos ang seguridad at kalusugan ng publiko.
   Ang mga kapulisan, ang militarya, at mga inspektor na magpapatupad sana ay nakainom din ng may lasong tubig ay mga lasing at mga baliw na. At naisip nilang ang mga kapasiyahan ng hari ay walang katuturan at ipinasiya nilang huwag itong sundin.
   Nang malaman ng lahat ng nasasakupan ng kaharian ang mga kautusan, natiyak nilang nababaliw ang hari kung kayat nagpapatupad ito ng mga walang saysay na mga kautusan. Nagkaisa silang nagmartsa patungong palasyo at matinding tinuligsà ang hari na magbitiw na sa trono.
   Sa matinding panlulumó, naghanda ang hari para bitiwan na ang trono at lisanin ang palasyo, ngunit pinigilan siya ng reyna, at nagpahayag na; “Halika, magpunta tayo sa balon ng tubig at uminom din, nang sa gayon ay maging katulad din tayo nila.”
   Ang hari, ang reyna at mga pamilya nito ay uminom din ng tubig na nakakalasing at nakakabaliw. At matapos ito, ay nagsimula silang magdiskursó, magtawanan, at magdaldalan ng walang katuturan sa maghapon. Walang ginawa ang kaharian kundi ang paunlakan ang mga kagustuhan ng mga mayayaman at mapagsamantalang mga negosyante, pinayagan ang mga walang saysay na mga libangan sa telebisyon, radyo, at mga palabas sa mga sinehan. Hinayaan din na iisang pamilya lamang ang maghari sa bawat pamayanan. Pinayagan din ang mga bilihan ng boto tuwing may halalan, anupat lahat ay tuluyang nalasing sa kaganapan at nabaliw sa kanilang kalagayan. Madaling kumalat ang balita sa buong kaharian, at ang mga tao ay nagsimulang manumbalik ang pagtitiwala sa hari; Ngayon, dahil ang hari ay nagpapamalas ng kawatasan, bakit hindi natin siyang payagan na magpatuloy na maghari sa ating bansa?

   At ito nga ang tuluyang naganap, ...sa isang kaharian na kung tawagin ay Pilipitnas

No comments:

Post a Comment