Saturday, June 06, 2015

Depende sa Iyo

“Lolo, papaano ko ba malalaman kung mali o tama ang pasiya ko?” ang tanong ng nababalisang apo.
“Simpleng kasagutan lamang, aking apo,” ang tugon ni lolo, “Kapag nakaramdam ka ng lungkot, hapdi, at panghihina sa iyong puso, ito ay mali. Subalit kung nagagalak ka at may ligaya kang nadarama at lumalakas ang iyong pakiramdam, ito ay tama. Kung ano ang nagpapatibok sa iyong puso, doon ka mamalagi.”
   “Pero lolo, kung may nais akong tamang desisyon, papaano ko ito susundin?” ang pangungulit ng apo.
   “Lumapit ka dine sa tabi ko at may ikukuwento ako sa iyo.” Ang itinugon ng lolo.

Buhay ba ang Ibon?
Matatapos na sa pagsasanay ang binata, at kailangan na niyang magsulit sa maestro. Katulad ng magagaling na estudyante, kailangan niyang hamunin ang maestro para lalong humusay ang paraan niya sa pag-iisip. Nakaisip siya ng pakaná; nanghuli siya ng munting pipit at kinulong niya ito sa kanang kamao at nagtungo siya sa kanyang maestro.
   “Maestro, ang ibong pipit ba na nasa loob ng aking kamao ay buhay pa o patay na?”
Ang plano ng binata ay ganito; kapag ang sagot ng maestro ay “Patay na! bubuksan niya ang kanyang kamao upang lumipad at makatakas ang ibon. Subalit kung ang magiging sagot ng maestro ay Buhay pa! Sisimulan niyang higpitan ang pagkimis ng kanyang kamao para ligisin at tuluyang patayin ang ibon; sa mga paraang ito, ang maestro ay magkakamaling sumagot ng tama alinman ang piliin niyang kasagutan.
   Dahil siya ay isang maestro, ito ang kanyang naging kasagutan:

   “Aking mahal na estudyante, ang tamang sagot ay depende sa iyo,” ang mahinahon na tugon ng maestro.
-----------------------------
Ganito ding kahatulan ang iginagawad ng tadhana tungkol sa ating buhay, depende sa iyo. Nasa iyo ang tanging kapangyarihan upang magpasiya kung nais mo ng Kaligayahan o Kapighatian. Sa mga sandaling ito, nasa iyong mga palad ang iyong kinabukasan, sapagkat ginagawa mo na ngayon sa araw na ito ang iyong kapalaran.

No comments:

Post a Comment