Minsan
ay dumalaw ang isang binata sa monasteryo ng mga monghe. “Nais kong maging isang
monghe, kaya lamang, wala akong natutuhan sa takbo ng buhay. Kasi, sa buong
buhay ko, pawang paglalaro ng chess ang itinuro ng aking ama sa akin. Hindi man
lamang ako nakabanaag ng kamulatan sa buhay. At sa lahat ng ito, napag-alaman
ko na lahat ng laro at mga paligsahan ay makasalanan. Dahil marami ang natatalo
kaysa nananalo.”
Umiiling na nagpahayag ang isang monghe, “Masasabing makasalanan ang mga laro ngunit
nagsisilbi silang mga dibersiyon, at sino ang nakakaalam, maging ang
monasteryong ito ay kailangan ang munting dibersiyon.”
Dumating ang punong-monghe at nagpakuha ng chess board, nag-utos siya sa isang monghe
na makipaglaro sa binata. Subalit bago umpisan ang laro, nagbigay siya ng
panuntunan:
“Bagamat kailangan nating magdibersiyon,
hindi natin pinapayagan ang bawat isa na maglaro ng chess hanggat gusto niya.
Kaya nga, ang kailangan lamang natin ay mahuhusay na manlalaro sa paligsahang
ito.”
Bumaling ang punong-monghe sa binata, “Ito
ang kasunduan binata, kapag tinalo mo ang katunggali mong monghe, ay lilisanin niya ang monasteryo at ikaw
ang papalit sa kanyang iiwanang posisyon dito.”
Seryoso ang punong-monghe. Naramdaman ng
binata na siya ay makikipaglaro sa buhay ng monghe, at nagsimulang pawisan siya
ng malamig, at ang chess board ay naging sentro ng kanilang mundo.
Nagsimula ang monghe ng mga maling
pagsulong. Mabilis na umatake ng pagsulong ang binata, ngunit nang masulyapan
niya ang banal na anyo sa mukha ng katunggaling monghe; sa isang iglap,
sinimulan niyang imali ang kanyang mga pagsulong. Ang intensiyon niya ay magwagi
ang monghe. Higit na mabuti pa sa kanya ang matalo, kaysa matanggal sa posisyon
ang monghe na nakakatulong sa sambayanan.
Nasa tagpong ito nang biglang ibuwal ng
punong-monghe ang mga piyon at itaob ang chess board.
“Ibayo
ang iyong natutunan kaysa naituro sa iyo!” ang pahayag nito, “Buong gilas mong naipakita kung papaano ang
pokus ng atensiyon at disiplina mo sa
iyong sarili na manalo, may kapasidad
kang makipagtagisan ng talino kung nanaisin mo lamang.’ ‘At bukod-tangi pa
dito, mayroon kang malasakit, at may kakayahan kang magsakripisyo alang-alang
sa ulirang adhikain. Maligayang bati para sa iyo! Sapagkat ang
sekreto ng buhay ay ang malaman kung papaano maibabalanse ang disiplina nang may pagmamalasakit.”
No comments:
Post a Comment