Ang paninisi ay isang pinakamataas
at nakakahawang proseso, patuloy na nilulubid hanggang maging isang matibay na
kable. Sa kasalukuyan, tayo ay namumuhay sa isang kultura na batbat ng
paninisi, na kung saan ang ating mga hintuturo ay nakatutok kahit kanino
maliban sa ating mga sarili, tumatakas sa responsibilidad, humahanap ng damay,
lumilikha ng mga isyu, pumupuna, namimintas at nagpupumilit na maimpluwensiyahan
kung ano ang ating iniisip, nadarama, at gagawin.
Kapag may bagay na namali, ang
unang magaganap sa karamihan natin kadalasan ay “Sino ang dapat sisihin sa
nangyari?” Ang paninisi ay nagsimula pa noon at may mahigit nang dalawang
libong taon ang nakaraan. Sinisisi ni Adan si Eba kung bakit pareho silang
pinalayas sa paraiso. At sinisisi naman ni Eba ang ahas na tumukso sa
kanya.
Ang mga bitag o patibong na sadyang
nagtatali at gumagapos sa atin ay yaong mga bagay na umiiral sa ating mga
isipan. Bago tayo manisi, kinakailangan maunawaan muna natin kung magagawa
natin na huwag magdahilan. Sa paghahanap ng tamang kasagutan sa pagitan ng
pinagmulan, epekto o resulta, at paninisi, matutuklasan natin ang tamang
kasagutan para matanggap ang mabisang kahatulan nang may kababaang loob, kung
kinikilala ang posibilidad na tayo ay magkakamali. At ang pagkakamali ay
inaamin para baguhin at maitama. Hindi ito tinatakasan at isinisisi sa iba.
Kaysa inaakala na ang problema ay nakaatang
sa iba, o maging wala tayong kabatiran na bahagi pala tayo sa pagkakamaling
ito, kailangang patuloy tayo sa paghahanap kung ano ang tunay na pinagmulan ng
mga problema at pagsumikapang malunasan ang mga ito, nang maiwasan natin na
humatol at manisi sa iba.
No comments:
Post a Comment